Isa pang warrant of arrest inilabas, walang piyansa: Vhong wala nang kawala sa rape

Isa pang warrant of arrest inilabas, walang piyansa: Vhong wala nang kawala sa rape

September 20, 2022 @ 11:12 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines–Isa pang korte sa Taguig City ang naglabas ng warrant of arrest laban sa TV host na si Ferdinand “Vhong” Navarro na walang inirekomendang piyansa kaugnay ng kasong panggagahasa sa modelong si Deniece Cornejo.

Sa warrant na may petsang Setyembre 19, iniutos ng Taguig Regional Trial Court Branch 69 sa mga awtoridad na arestuhin si Navarro. Hindi nagrekomenda ng piyansa ang korte para sa komedyante.

“Not bailable for rape (under Article 266-A (1) of the RPC [Revised Penal Code] as amended by R.A. 8353,” batay sa warrant of arrest na inisyu ni Judge Loralie Cruz Datahan.

Kinumpirma ni Taguig Police chief, Col. Robert Baesa na nakatanggap sila ng kopya ng warrant of arrest para sa panggagahasa laban kay Navarro.

Noong Agosto 31, nagsampa ng kasong panggagahasa ang Taguig City Prosecutor’s Office laban kay Navarro sa Taguig RTC.

Si Navarro ay nahaharap sa dalawang kaso sa Taguig court para sa rape at acts of lasciviousness na parehong may kaugnayan sa mga reklamong inihain ni Cornejo.

Ito na ang ikalawang warrant of arrest laban kay Navarro.

Noong Setyembre 15, naglabas ang Taguig Metropolitan Trial Court Branch 116 ng warrant of arrest laban sa kanya dahil sa acts of lasciviousness na may itinakdang piyansa na P36,000.

Nitong Lunes (Setyembre 19) ay sumuko si Navarro sa National Bureau of Investigation (NBI) hinggil sa kasong acts of lasciviouness.

Nangyari ang acts of lasciviousness noong Enero 22, 2014.

Sa isang desisyon noong Hulyo 21, nagpasya ang Court of Appeals pabor sa petisyon ni Cornejo tungkol sa mga kaso.

Iniutos nito sa Taguig prosecutor’s office na isampa ang mga kaso laban kay Navarro.

Inutusan ng CA ang Taguig City Prosecutor’s Office na “magsampa ng mga Impormasyon laban kay Ferdinand ‘Vhong’ H. Navarro para sa: (1) Rape by Sexual Intercourse sa ilalim ng Article 266-A (1) ng Revised Penal Code, as ammended by Republic Act No. 8353; at (2) Acts of Lasciviousness sa ilalim ng Article 336 ng Revised Penal Code.”

“Ultimately, it falls upon the trial court to determine who between Navarro and Cornejo speaks the truth,” sabi ng CA sa desisyon.

Sinabi ng CA na “mali para sa DOJ [Department of Justice] na tanggihan ang petisyon ni Cornejo para sa pagsusuri sa kadahilanan na ang kanyang mga pahayag sa complaint-affidavit ay hindi pare-pareho at hindi kapani-paniwala,” ang desisyon ng CA.

Sinabi ng CA na “ang mga isyu ng kredibilidad ay dapat hatulan sa panahon ng tamang paglilitis.” Nats Taboy