Valenzuela City – Patay ang isang notoryus na drug pusher na ginagamit ang kanyang bahay na drug den matapos magtangkang makipagbarilan sa mga pulis sa buy bust operation habang arestado naman ang kanyang dalawang kasama sa Valenzuela City.
Ayon kay Valenzuela police chief Sr. Supt. David Nicvolas Poklay, dakong alas-5:45 ng hapon nang ikasa ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang buy-bust operation sa koordenasyon sa PDEA kontra kay Rommel Olazo alyas “Combat”, 45 sa labas ng kanyang bahay sa Blk. 18, Lot 19, Compound 3, Sitio Kabatuhan, Gen. T. De Leon.
Nang iabot ni Combat ang isang plastic sachet ng shabu sa pulis na nagpanggap na poseur-buyer kapalit ng P500 marked money ay natunugan nito ang presensya ng mga pulis sa lugar kaya agad itong naglabas ng baril at nagtangkang tumakbo dahilan upang paputukan ito ng humahabol na mga operatiba.
Tinamaan sa katawan si Combat na agad isinugod sa Valenzuela Medical Center subalit, hindi na ito umabot ng buhay habang naaresto naman ang kanyang nakababatang kapatid na si Rouel, 43 at Jerecho Pelenio, 37 na naaktuhang nagsa-shabu sa loob ng bahay na ginagamit umanong drug den.
Narekober sa nasawi ang 1 cal. 38 revolver, P500 buy-bust money, LTO driver license jacket na naglalaman ng 16 transparent plastic sachet ng hinihinalang shabu, habang ang 2 heat sealed at 1 nakabukas na plastic sachet ng shabu at mga drug paraphernalia ay nakuha sa loob ng bahay nito na isa ding drug den. (Rene Manahan)