Isa sa mga MWP sa Pinas patay sa pamamaril sa Zambo

Isa sa mga MWP sa Pinas patay sa pamamaril sa Zambo

July 16, 2022 @ 11:00 AM 4 weeks ago


ZAMBOANGA CITY- Patay ang isang miyembro ng notoryus na crime group at kasama sa tinaguriang Most Wanted Person sa bansa matapos barilin ang mga operatiba sa isinagawang law enforcement operation Biyernes sa Zamboanga del Sur.

Kinilala ang namatay na suspek na si Esmael Sanday, miyembro ng Kiang Balimbingan crime group na nakabase sa Zamboanga Sibugay.

Batay sa report ng Zamboanga del Sur-PNP, dakong alas-5:55 ng umaga naganap ang engkwentro sa Barangay Lenok Madalum, Lapuyan.

Ayon sa pulisya, isisilbi sana ng operatiba ang arrest warrants laban kay Sanday sa kasong double murder sa magkahiwalay na korte sa Pagadian City, Zamboanga del Sur, at frustrated murder naman sa korte ng Zamboanga Sibugay.

Pagdating ng mga pulis sa nasabing lugar agad silang sinalubong ng putok ng baril ng suspek gamit ang .45 kalibre na armas.

Gumanti naman ng putok ang operatiba at tinamaan si Sanday sa katawan na agad naman dinala ng mga pulis sa ospital subalit sa daan pa lamang ay nalagutan na ito ng hininga.

Si Sanday ay may patong sa ulo na P165,000 na ipinalabas ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na may circular memorandum October 2021. Mary Anne Sapico