Isang linggong tigil-pasada ikakasa vs PUV modernization

Isang linggong tigil-pasada ikakasa vs PUV modernization

February 27, 2023 @ 2:31 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Nag-anunsyo ng isang linggong tigil-pasada ang ilang transport groups bilang pagtutol sa PUV modernization program.

Ayon sa anunsyo, magsisimula ang transport strike sa susunod na Lunes, Marso 6 at tatagal hanggang Linggo, Marso 12.

Kasama sa tigil-pasada ang halos lahat ng kanilang mga miyembro ng jeep at UV Express sa National Capital Region at Region 3.

Sinabi ni Mar Balbuena ng Manibela, nasa 40,000 unit ng traditional jeepney at UV express ang inaasahang lalahok sa tigil-pasada sa NCR.

Hiling nila sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), pakinggan sila sa hinaing na pagtutol sa modernization program kung saan itinatakda na mayroon na lamang hanggang Hunyo 30 ang kanilang prangkisa kung hindi tutugon sa naturang programa.

Giit ng grupo, posibleng humaba pa ang transport strike kung hindi sila pakikinggan ng LTFRB. RNT/JGC