ISANG PAGLILINAW

ISANG PAGLILINAW

November 15, 2022 @ 11:38 AM 3 weeks ago


NAIS ko lang linawin sa pagkakataong ito ang napaulat na Global Impunity Index ng Committee to Protect Journalists, isang US-based media advocacy group, kung saan ang Pilipinas daw ay nananatiling pang-pito (7th placer) mula taon 2020, kung pag-uusapan ay kaligtasan ng mga mamamahayag o media.

Ipaaalala ko na rin, na noong unang naglabas ang CPJ ng ulat, idineklara pa nitong “most improved” ang Pinas noong 2020 rankings, dahil umusad ito mula pang-lima papunta sa pang-pito (5th – 7th place).

Sa kasalukuyan, ang kaligtasan at seguridad ng media ay talaga namang pina-prayoridad ni Pangulong Bongbong Marcos at kinukondena niya ang anomang karahasan laban sa media. Sinisikap din ng Pangulo na magsama-sama ang lahat ng ahensiya ng pamahalaan upang tugunan ang problemang ito, sa pangunguna ng Presidential Task Force on Media Security.

Ayon sa CPJ, kinakalkula ng GII ang bilang ng mga kaso ng pamamaslang sa mga media batay sa dami ng populasyon ng isang bansa. At ang ating pagiging 7th rank ay inaasahan naman, dahil ang kanilang ulat ay sakop ang sampung taong panahon mula noong September 1, 2012, hanggang August 31, 2022.

Kailangan nating isaisip na ang mga kasong binanggit sa kanilang ulat, ay naimbestigahan na at nai-file na ang mga kaukulang kaso na tinutukan ng PTFoMS.

Gaya na lamang ng kaso ng pagpatay kay radio broadcaster Renato B Blanco na Kasama sa kanilang ulat. Naaresto na ang salarin na si Charles Yantoc Amadaat na humaharap ngayon sa kasong murder sa Regional Trial Court ng Negros Oriental.

Ipinaalam pa nga ng PTFoMS ang sitwasyon ng kasong ito kay Shawn W. Crispin, Senior Southeast Asia Representative ng CPJ.

Tungkol naman sa kaso ni Percival Mabasa, kilala bilang Percy Lapid, alam nating lahat na di pinababayan ng Administrasyong PBBM ang kaso at patuloy na hinuhukay ang lahat makamit lang ang hustisya.

Patuloy rin ang pakikipag-ugnayan ng PTFoMS sa Philippine National Police at mga media groups upang makabalangkas ng mga paraan para maprotektahan ang hanay ng press.

Kasama na rito ang pagtatalaga ng mga “Media Security Vanguards” at mga ‘focal persons’ na binubuo ng mga public information officers ng Philippine National Police sa pakikipagtulungan na rin ng Department of the Interior and Local Government.

Ito ang pinaka-“first line of defense”, ika nga.

Magandang malaman bukod sa maling pagkakaintindi ng ilan nating mga kabaro sa press, ay di naiulat na Ang Pilipinas ay “di” kasali sa listahan ng CPJ na “World’s Worst Places to Be a Journalist” o “10 Most Censored Countries” sa buong mundo.

oOo oOo oOo

Assalamu Alaikum Warahmatullahi Wabarakatuh!