Isinampang libel, cyberlibel vs ABS-CBN, iba pang news orgs iniurong ni Cusi

Isinampang libel, cyberlibel vs ABS-CBN, iba pang news orgs iniurong ni Cusi

June 24, 2022 @ 6:00 PM 6 days ago


MANILA- Binawi ni outgoing Energy Secretary Alfonso Cusi nitong Biyernes ang kanyang libel at cyberlibel complaints laban sa ABS-CBN Corp. at 6 pang news organizations ukol sa kanilang artikulo sa Malampaya deal.

Inihayag ni Cusi na nais niya “to move forward” mula sa nangyari, at binigyang-diin ang “valuable” na pagkakaibigan at relasyon na mayroon siya sa mga respondent. Idinagdag din niya na nais niyang panatilihin ang mga ito.

“Energy Secretary Alfonso G. Cusi today (24 June) executed an affidavit of desistance with the Taguig City’s Prosecutor Office to withdraw the separate libel and cyber libel complaints,” ayon sa pahayag.

“Despite the hurt feelings and damage done to my name, a deeper reflection on what has transpired has led to the realization that the many interactions with the respondents have undeniably resulted in the forging of valued friendships and professional relationships,” dagdag pa niya. 

Matatandaang sinabi ni Cusi na ang istorya, kung saan nabanggit ang graft complaint laban sa kanya, ay nakasira sa kanyang reputasyon at “good standing” sa pamahalaan. 

Ukol ang deal sa umano’y P138 bilyon at ibibigay na kay Duterte ally at negosyanteng si Dennis Uy na 90 porsyentomg interes sa isang proyekto nq magsu-suplay ng 40 porsyento ng energy needs ng Luzon.

Sa counter-affidavit ng mga opisyal ng ABS-CBN, sinabi nilang  walang defamatory o malicious sa artikulong inilathala sa website ng ABS-CBN News ukol sa reklamo.

Animpang news organizations ang sinampahan din ng parehong kaso. Kabilang dito ang Rappler, GMA News Media, Manila Bulletin Publishing Corporation, Philstar Global Corporation, Philippine Business Daily Mirror Publishing, Inc., at BusinessWorld Publishing. RNT/SA