ISIS, ginawang pogi points ang Basilan bombing – AFP

ISIS, ginawang pogi points ang Basilan bombing – AFP

August 1, 2018 @ 1:09 PM 5 years ago


Manila, Philippines – Nilinaw ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na kailangan pa rin ng malinaw na katibayan na konektado sa Islamic State of Iraq and the Levant (ISIS) ang pagpapasabog sa Basilan.

Ayon kay AFP spokesperson Colonel Edgard Arevalo, na sa kabila nito ay hindi rin nila tinatanggal ang posibilidad na ISIS ang nasa likod ng pambobomba na ikinasawi ng 11 na tao.

“Napakadali po sakyan ng anumang grupo na sila ang responsable diyan lalo na kung talagang grupo (nila) sapagkat ika nga po, pogi points po ‘yan sa kanila,” aniya.

“Sa ngayon po, wala po tayong indikasyon na ‘yan ay ISIS. Subalit, sinasabi po natin, we are not discounting that possibility. Nandun rin po yan, within the realm of possibility,” dagdag pa nito.

Ito ang sagot ng AFP kasunod ng isang statement na ipinadala ng Amaq news agency, kung saan inamin ng Islamic State na sila ang responsable sa suicide bombing na tinawag nilang ”martyrdom operation”.

Dagdag pa ni Arevalo, ang pinakamabigat pa rin nilang suspek ay ang Abu Sayyaf pa rin dahil sa motibong ipinakita nito.

“Yan po ang indikasyon na nakita namin as of yesterday na kumbaga ang signature po niyan or ang merong interest na magawa ‘yang pag-atake na ‘yan o pagpapasabog na ‘yan ay ang grupo ng Abu Sayyaf,” paliwanag ni Arevalo.

Kinondena naman ng Malakanyang ang nangyaring insidente at kinilala bilang “war crime”.

Lumalabas sa report na dumaan ang puting passenger van sa checkpoint at isinakto ng driver ang pagsabog nang Improvised Explosive Device (IED) habang pinahinto ito ng mga sundalo. (Remate News Team)