ISKALAWAG NA PULIS DAPAT UBUSIN, BURAHIN

ISKALAWAG NA PULIS DAPAT UBUSIN, BURAHIN

August 2, 2018 @ 6:45 PM 5 years ago


Ngipin sa ngipin at mata sa mata ang dapat na laban na ihaharap ng mga awtoridad sa mga iskalawag na pulis o militar o iba pang armadong mga tauhan ng pamahalaan.

Kinakailangan ito dahil sa pagiging armado ng mga iskalawag.

Upang lalong makontrol ang mga armadong iskalawag, bakit hindi muling buhayin ang parusang bitay laban sa kanila?

NAKATATAKOT

Tunay namang nakatatakot ang mga iskalawag na armado.

At nakita ito nang lumaban ang apat na pulis na gumagawa ng akyat-bahay at kidnapping for ransom.

Pawang mga Taguig Police ang mga nasangkot dito at magkasunod na araw na gumawa ng mga ito ng parehong krimen.

Unang pinasok ang bahay ng isang babae sa Arca South sa nasabing lungsod at naghalughog saka tinangay ng mga ito ang P50,000 na pera ng biktima.

Hindi nakuntento, pumasok din ang mga pulis sa tahanan ng isang magboyfriend at inakusahan ang mga ito na sangkot sa droga.

Dinampot ang mag-boyfriend, isinakay sa isang AUV saka hiningan ng P200,0000 ngunit natawaran ng P27,000.

Pinakawalan nila ang babae at dito na nagsumbong sa pulisya at sinabing papatayin nila ang kanyang boypren kung hindi makapagbigay ng salapi sa loob ng isang oras.

GIYERA

Dito na nagkaroon ng labanan sa pagitan ng mga rumespondeng pulis at ng mga iskalawag at napatay si PO1 Heraldo Ancheta.

Mga miyembro ng Special Weapons and Tactics na tauhan ni District Director Chief Superintendent Tomas Apolinario ng Southern Police District at Taguig Police ang rumesponde, kasama na rin ang ilang opisyal ng lungsod.

Matapos ang palitan ng putok, bumulagta si Ancheta na nakunan ng mga sachet ng shabu sa katawan.

Nadakip naman sina PO2 Joey Ermino Maro,  PO1 Bryan Amir Papa Bajo at PO1 Paulo Mechelena Ocampo.

Bukod sa mga armas, salapi at alahas na ninakaw ng mga pulis,  may narekober na mga shabu paraphernalia sa mga ito.

PRESINTO BINUWAG

Binuwag na rin ang buong Community Precinct 1 na kinapapalooban ng mga ito ni  Chief Supt. Guillermo Eleazar.

Kasamang sinibak ang hepe nilang si Senior Insp. Joel Villafania at susunod na rito ang mga pagsasampa ng kaso at mga pandisiplinang laban sa mga iskalawag na pulis.

Iniutos din ni Hen. Eleazar ang mas malalim pang imbestigasyon para malaman kung may  iba pang miyembro ng sindikato nina Maru sa hanay ng mga pulis.

HINDI NATUTO

Kung tutuusin, parang kahapon lang ang halos parehong gawa ng mga pulis sa Manila Police District at Muntinlupa pulis.

Sa MPD, naaresto ang mga pulis na sina Police Officer (PO) 1 Erdie Bautista, PO1 MJ Cerilla, PO3 Michael Chavez, PO3 Dindo Encina, PO1 Arcadio Orbis, and PO1 Martinico Mario sa pangingikil ng P100,000 sa isang human trafficker  na kanilang inaresto at mismo pa sa loob ng MPD isinagawa ang pangingikil.

Bago nito, nagpanggap na taga-PDEA sina PO1 Radam Reyes Manglicmot, PO1 Edmar Dalusong Cayanan and PO1 Jeff-Pee Macapagal Calaguas at nang-aresto ng 10 tao saka pinatubos ng P300,000.

Nahuli sila mismo sa Presinto 5 ng MPD.

Sa Muntinlupa, nangidnap naman sina Senior Police Officer 1 Psylo Joe Jimenez, Police Officer 3 Romeo Par, Police Officer 2 Farvy dela Cruz and Police Officer 1 Jon-Jon Averion ng isang misis, kasama ang isang paslit na anak nito saka pinatubos ng P400,000.

At nasakote ang mga ito sa sarili nilang istasyon na roon din nasagip ang kanilang biktima.

Idinamay ni Hen. Guillor sa sibakan ang hepe nila at apat pang pulis na kasama ng mga nadakip na pawang may gawain sa giyera sa droga.

1,000 ISKALAWAG

Ayon sa pulisya, may 1,000 iskalawag sa kanilang hanay.

Anak ng tipaklong, nakatatakot ang ganitong kalaking bilang ng mga iskalawag kahit pa kakaunti sila kumpara sa nasa P170,000 na pulis.

Paanong hindi nakatatakot, eh, pawang armado ang mga ito, may uniporme, may tsapa at gumagamit pa ng patrol car.

Hindi pa natse-checkpoint ang mga ito kahit gumawa sila ng krimen.

Malakas pa ang loob ng mga ito na pumatay ng mga nag-aakusa sa kanila at sa mga testigo.

DAPAT UBUSIN

Sa tagal ng pagkakaroon ng mga kaibigang pulis, naniniwala ang ULTIMATUM na totoong kakaunti lang ang mga iskalawag.

Sabi ni Hen. Guillor, hindi kawalan ang mga iskalawag.

Kahit kakaunti ang mga pulis, basta matitino at tunay na tapat sa tungkulin, mas epektibo ang pulisya sa mga gampanin nito.

Mismong si Pangulong Digong din ang nagsasabi na marami, santambak ang gustong pumalit sa mga iskalawag.

Kaya okey lang na mabura at maubos sa pulisya ang mga iskalawag. 

oOo

Anomang reaksiyon o reklamo ay maaaring iparating sa 09228403333 o i-email sa [email protected] – ULTIMATUM NI BENNY ANTIPORDA