Iskedyul sa paghahain ng COC sa barangay at SK elections, inilipat

Iskedyul sa paghahain ng COC sa barangay at SK elections, inilipat

September 23, 2022 @ 10:46 AM 1 week ago


MANILA, Philippines – Inilipat ng Commission on Elections (Comelec) ang paghahain ng Certificates of Candidacy (COC) para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa huling bahagi ng Oktubre mula sa orihinal na iskedyul na itinakda sa unang linggo ng buwan.

Sa isang binagong kalendaryo ng mga aktibidad para sa mga nasabing botohan na inilabas nitong Huwebes, Setyembre 22, inaprubahan ng poll body ang bagong panahon ng paghahain mula Oktubre 6 hanggang 13 hanggang Oktubre 22 hanggang 29.

Ang mga kandidato ay maaaring maghain ng kanilang COC sa Office of the Election Officer (OEO) sa kanilang lungsod o munisipalidad.

Ang petsa ng panahon ng paghahain ng COC ay nakasaad sa Section 7 ng Republic Act (RA) 6679 kaugnay ng Section 29 ng RA 6646.

Gayundin, ang panahon ng halalan at pagsisimula ng gun ban ay inilipat mula Oktubre 6 hanggang Disyembre 12 sa Nobyembre 6 hanggang Disyembre 20, 2022.

Sa kabilang banda, pinanatili ang panahon ng kampanya sa Nobyembre 25 hanggang Disyembre 3.

Ang mga oras ng pagboto sa araw ng halalan ay mula alas-7 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon.

Ang huling araw para sa paghahain ng Statement of Contribution and Expenditures (SOCE) ng mga kandidato ay sa Enero 4, 2023. Jocelyn Tabangcura-Domenden