Isko ‘di nagsising tumakbong Pangulo kahit natalo

Isko ‘di nagsising tumakbong Pangulo kahit natalo

May 17, 2022 @ 6:52 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nanawagan si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa publiko partikular na sa mga Manilenyo na makipagtulungan sa mga bagong halal na lingkod bayan na siyang bubuo sa bagong gobyerno ng bansa.

Ang naturang panawagan ay sinabi ni Domagoso sa kanyang talumpati, Lunes ng umaga kasabay ng kanyang pasasalamat sa lahat ng kanyang mga taga-suporta na sumama sa kanya mula sa simula hanggang matapos ang 2022 national election.

Iginiit pa ni Domagoso na wala siyang pinagsisisihan sa kanyang ginawang pagtakbo sa katatapos pa lamang na Presidential election dahil alam nito ang nararanasang hirap ng kanyang mga kababayan sa lungsod lalo na sa iba’t ibang parte ng bansa.

“Hindi ako nagsisisi o nagkamaling magdesisyon na sumali kase nakita ko talaga ang ipinaglalaban ko na maiahon sa maayos na katatayuan ang mga tao,” ani Domagoso.

Nagpasalamat din si Domagoso sa Maykapal dahil naitaguyod nito ang kanyang sarili sa lahat ng hirap kanyang dinanas gayundin sa mga taong nagtiwala at nagluklok sa kanya bilang Alkalde ng Maynila. JAY Reyes