Isko Moreno gaganap na Ninoy sa pelikula ni Darryl Yap

Isko Moreno gaganap na Ninoy sa pelikula ni Darryl Yap

November 23, 2022 @ 1:17 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Inihayag ni dating Manila Mayor Isko Moreno na kinausap siya ng direktor na si Darryl Yap upang gumanap na si dating senador Ninoy Aquino sa pelikulang “Martyr or Murderer.”

Sa isang post sa Facebook, ipinakita ni Yap ang larawan ni Moreno hawak ang script ng pelikula na nagkukumpirma ng role nito sa “Martyr or Murderer” na sequel ng “Maid in Malacanang.”

Matatandaan na ang “Maid in Malacañang” ay tumatalakay sa huling 72 oras ng pamilya Marcos sa Palasyo sa kasagsagan ng 1986 EDSA People Power Revolution na nagpabagsak sa pamumuno ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos.

Marami ang pumuna sa pelikulang ito mula sa mga historians at martial law survivors dahil umano sa pagbabago sa kasaysayan.

Si Moreno ay kumandidato rin sa 2022 presidential race kalaban si ngayon ay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Bago pa ang eleksyon, sinabi ng dating alkalde sa isang panayam na hinahangaan niya si Marcos Sr. sa pagiging visionary nito ngunit nilinaw din na kontra siya sa mga pang-aabuso na naitala noong martial law.

Ang pelikulang “Martyr or Murderer” ay inaasahang ilalabas sa Pebrero 2023 na sumabay pa sa ika-37 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution. RNT/JGC