Isko sa Robredo camp: Fake talaga kayo

Isko sa Robredo camp: Fake talaga kayo

April 20, 2022 @ 4:23 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – “FAKE talaga kayo, kaya ayaw sa inyo ng tao.”

Ito ang pahayag ni Manila Mayor at Presidential candidate Isko Moreno Domagoso hinggil sa pagtanggi ng kampo ni Vice President Leni Robredo na wala umanong naganap na “unification talks” sa kanila matapos maghain ng kani-kanilang Certificate of Candidacy (COC).

Ang naturang pahayag ni Domagoso ay matapos magkomento ni Atty. Barry Gutierrez, tagapagsalita ni Vice President Leni Robredo, na walang naganap na unification talks sa dalawang nasabing kampo.

“Barry mag-ingat ka, may cctv ang Office of the Vice President. Barry mag-ingat ka, mayy cctv yung bahay sa McKinley. Barry mag-ingat ka, may cctv at picture yung bahay sa Dasmarinas Village. Fake talaga kayo,” ani Domagoso patungkol sa tagapagsalita ni Robredo.

“Tsaka Barry huwag ka na magsalita, yung amo mo ang pagsalitain mo,” dagdag pa ni Domagoso.

Hinamon naman ni Domagoso si Gutierrez na sabihin ang katotohanan dahil kung hindi ay maglalabas ito ng katibayan.

“I challenge him, Barry huwag ka magsinungaling, Barry baka hindi mo alam ang ginagawa ng amo mo. Challenge ko sa kanila yan, tell me if I lie then I show you proof,” ani Domagoso.

Aniya pagod na ang mga Pilipino sa mga “fake news”, maling pag-aakusa at pagsisinungaling sa tuwing darating ang Presidential election.

“Umiikot ang buhay natin sa loob ng 39 years sa kwento ng pula sa kwento ng dilaw, pwede ba sa kwento ng ordinaryong Pilipino naman ngayon,” ani Domagoso.

“Tatlo lang naman ang kulay ng watawat ng Pilipinas bukod sa kulay puti, tapos na tayo sa dilaw at pula. Pwede ba magkaisa na tayo? Sa asul naman tayo,” dagdag pa ni Domagoso. Jay Reyes