Iskul pwede lang gamiting evacuation center ng 15 araw-DepEd

Iskul pwede lang gamiting evacuation center ng 15 araw-DepEd

September 27, 2022 @ 9:25 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Pinaalalahanan ng Department of Education (DepEd) ang mga local government units (LGUs) na ang mga pampublikong paaralan sa kani-kanilang lugar ay maaari lamang gamitin bilang ‘immediate evacuation site’ at hindi para sa pangmatagalang tirahan para sa mga apektadong pamilya o indibidwal ng anomang sakuna.

Nakasaad sa DepEd Order No. 37 series of 2022 ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte na “In cases of other disasters, schools may be used as an immediate evacuation site which should not last for more than fifteen (15) days.”

Ang mga LGU, idinagdag niya, ay hindi dapat “gamitin ang mga paaralan bilang pangmatagalang tirahan para sa mga evacuees.”

Samantala, inihayag ng DepEd na hindi na maaaring gamitin ang mga paaralan bilang COVID-19 quarantine at/o isolation facility o vaccination centers.

Sinabi ng DepEd na ang awtoridad na ibinigay sa mga Regional Director sa pagpayag sa mga paaralan na italaga bilang quarantine at/o isolation facilities/ vaccination centers sa ilalim ng Office Memorandum OM-Osec-2020-004 (Guidance to Regional Directors for Action Requests by Local Government Units to Use DepEd Schools and Engage DepEd Personnel in Activities Related to COVID-19), ay lifted na o wala nang bisa.

Bukod dito, ang Office Memorandum OM-OSEC- 2021-03-003 o ang ‘Use of DepEd Classrooms and Other Facilities as Vaccination Centers’ ay pinawalang-bisa na rin.

Inilabas ni Duterte ang DO No. 37 s. of 2022 upang itaguyod ang kaligtasan at proteksyon ng mga mag-aaral at tauhan mula sa “hindi kinakailangang pisikal na panganib” na maaaring malantad sa kanila sa panahon ng mga natural na sakuna at kalamidad.

Inilabas din ang patakaran upang mabawasan ang mga panganib sa kalusugan at kaligtasan na dulot ng mga sakuna at iba pang natural na kalamidad.

Kinikilala ng DepEd, sinabi ni Duterte, na ang pagsususpinde ng mga klase at trabaho sa panahon ng emergency ay “nananatiling kinakailangan sa pagtataguyod ng pisikal at mental na kagalingan ng mga mag-aaral at mga tauhan ng paaralan.”

Ang mga bagong inilabas na alituntunin ay inilabas din upang higit pang gabayan ang mga paaralan, kanilang mga tauhan, at mga mag-aaral — kapwa sa loob ng pampubliko at pribadong institusyon. RNT