Ismagel na bigas, asukal sa bodega sa Caloocan nakumpiska ng BOC

Ismagel na bigas, asukal sa bodega sa Caloocan nakumpiska ng BOC

August 23, 2022 @ 6:00 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Kinumpiska ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) ang tone-toneladang hinihinalang mga ismagel na bigas at asukal na kanilang nadiskubre sa isunagawa nilang sorpresang inspeksyon sa isang bodega sa Caloocan City.

Ayon sa BOC, sa bisa ng Letter of Authority ay sinalakay ng kanilang mga tauhan ang isang warehouse na matatagpuan sa Deparo Road sa nasabing lungsod kung saan napilitang buksan ang establisyimento matapos tumanggi ang mga may-ari nito na makipagtulungan sa inspection team.

Bukod sa mga sako ng bigas at asukal, nakuha rin sa gusali ang mga repacking machine na pinaniniwalaan ng mga awtoridad na ginagamit upang baguhin ang packaging ng mga imported na bigas at asukal upang magmukhang locally sourced ang mga ito.

Nito lamang weekend ay nag-inspeksyon din ang mga ahente ng Customs sa apat na bodega sa Barangay Tabang, Guiguinto, Bulacan kung saan nadiskubre nila ang hindi bababa sa 60,000 bag ng hinihinalang na-hoard na asukal.

Matatandaan na nito lamang nakaraang linggo ay sinabi ng Malacañang na ipagpapatuloy ng mga awtoridad ang inspeksyon upang matukoy kung artipisyal ang kasalukuyang kakulangan sa supply ng asukal. JAY Reyes