Ismagel na P15M Porsche 911 nasabat ng BOC-Davao

Ismagel na P15M Porsche 911 nasabat ng BOC-Davao

September 11, 2022 @ 10:00 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Ipinrisenta ng Bureau of Customs (BOC) Port of Davao ang isang imported na puting Porsche 911 GT3 RS luxury car na nagkakahalaga ng mahigit P15 milyon na galing Japan makaraang masabat ito noong unang bahagi ng buwan dahil sa maling deklarasyon ng shipment nito.

Batay sa ulat ng pantalan, nakakuha ang ahensya ng tip mula sa Sasa Police Station tungkol sa smuggled na sasakyan kung saan idineklara ito na “car spare parts” na nag-udyok kay District Collector Erastus Sandino B. Austria na maglabas ng alert order laban sa kargamento.

Dahil dito, agad na naglabas ng warrant of seizure at detention ang ahensya laban sa mga kargamento na dumating sa Sasa Port noong Agosto 31 at naka-consign sa JJCTD Import and Export Trading Corp.

Kabilang sa mga ahensyang inimbitahan na suriin ang smuggled na sasakyan ay ang Philippine Drug Enforcement Agency XI na hinalughog ang sasakyan kung ito ay ginamit para makalusot sa bansa ng mga ilegal na droga kung saan wala naman silang nakitang mga ipinagbabawal na gamot.

Mas pinaigting ang pagbabantay sa nasabing daungan dahil nitong mga nakaraan ay hindi lamang ginagamit ito bilang entry point para sa mga smuggled goods kundi pati na rin ang mga ilegal na droga. JAY Reyes