Isolation room ng COVID-19 patient dapat hiwalay sa mga apektado ng bagyo

Isolation room ng COVID-19 patient dapat hiwalay sa mga apektado ng bagyo

October 26, 2020 @ 2:59 PM 1 month ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines – Dapat umanong hiwalay ang isolation room para sa COVID-19 patient sa evacuation sites sa mga lugar na apektado ng bagyong Quinta.

Ito ang mahigpit na paalala ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire sa kanyang virtual press briefing bunsod na rin ng patuloy na pananalasa ng bagyo sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Sinabi ng opisyal na kailangang ihiwalay ang taong may sintomas o tingin na may COVID-19 mula sa mga taong walang sintomas.

Bago naman aniya pumasok sa evacuation sites ay mabuti rin umanong dumaan muna sa symptoms check upang malaman kung kailangang ilagay sa isolation o ihiwalay at hindi na masama sa mga walang sintomas.

Bukod dito, kailangan pa ring sumunod sa minimum health standards ang mga evacuee o mga lilikas na residente.

Kabilang rito ang pagsusuot ng face mask at dumistansya o social distancing.

Dagdag pa ni Vergeire, mainam na maglagay ng hand washing area sa mga evacuation centers para makapaghugas ng kamay ang mga evacuee.

Pinuri naman ni Vergeire ang ginagawa ng ilang LGUs ngayon na may mga tent kada pamilya upang matiyak ang social distancing. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)


  •  
  •  
  •  

Loading...