Isolation rooms para sa monkeypox cases inihanda ng gov’t-owned hospitals sa QC

Isolation rooms para sa monkeypox cases inihanda ng gov’t-owned hospitals sa QC

July 31, 2022 @ 3:30 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Tatlong ospital na pagmamay-ari ng pamahalaan sa Quezon City ang naglaan na ng isolation rooms para sa posibleng monkeypox cases sa Pilipinas matapos makapagtala ng unang kaso ng nabanggit na virus kamakailan.

Inihayag ng QC government nitong Linggo na naglagay na ang Quezon City General Hospital, Rosario Maclang Bautista General Hospital, at Novaliches District Hospital ng isolation rooms para sa suspected, probable, at confirmed cases ng monkeypox bilang paghahanda sa posibleng pagkakadiskubre nito sa siyudad.

Sinabi rin nito na bumuo ang QC Health Department (QCHD) ng response mechanism sa pagpigil, early detecting, at pangangasiwa at pag-isolate sa mga kaso, maging contact tracing ng posibleng monkeypox cases.

“We have been closely coordinating with the Department of Health (DOH) since May, when they reported an uptick of monkeypox cases in other countries. The QCHD is also providing us with weekly updates about the virus to make sure that we are ready to deal with it effectively,” pahayag ni QC Mayor Joy Belmonte.

Sumailalaim din ang medical personnel mula sa pampubliko at pribadong ospital maging health centers sa orientation kung saan ibinahagi sa kanila ang mga impormasyon ukol sa virus,  partikular na sa pagpigil sa pagkalat nito sa indibidwal, tahanan, at komunidad.

Nagpo-post din ang Public Affairs and Information Services Department (PAISD) ng lungsod ng artcards at information materials ukol sa monkeypox para sa public awareness.

Naglatag din ng mga protocol para sa detection, specimen collection, pagdadala ng specimen sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM), at paghahatid sa suspected cases sa referral hospitals.

Gayundin, nag-organisa ang Quezon City Epidemiology Surveillance Unit (QCESU) ng quick response team para sa monkeypox contact tracing response.Tiniyak din nila na sapat ang suplay ng personal protective equipment at iba pang logistical needs para sa contact tracing.

“Laging nakahanda ang QC sa mga ganitong sitwasyon, mula sa equipment, guidelines, hanggang sa pagbibigay ng kinakailangang kaalaman sa ating mga health worker tungkol sa virus. Gagawin natin ang lahat para hindi makapasok ang monkeypox sa lungsod at maiwasan ang pagkalat nito sa mga komunidad,” ani Belmonte.

Matatandaang idineklara ng World Health Organization (WHO) nitong Hulyo 23 ang monkeypox bilang “public health emergency of international concern” —ang pinakamataas na alarma. RNT/SA