Israel, Palestinian militants nagdeklara ng tigil-putukan sa Gaza

Israel, Palestinian militants nagdeklara ng tigil-putukan sa Gaza

August 8, 2022 @ 10:36 AM 2 months ago


GAZA/JERUSALEM – Nagdeklara ng tigil-putukan ang Israel at ang militanteng grupong Palestinian Islamic Jihad matapos ang malalang palitan ng putok sa Gaza nitong nagdaang mga araw na ikinasawi ng higit 30 indibidwal.

Ito ay inihayag sa magkahiwalay na panig ng Islamic Jihad at Israel, na parehong nagpasalamat sa Egypt sa pamamagitan sa nasabing tigil-putukan.

Ang tatlong araw na sagupaan ay nagpalala ng sitwasyon sa Gaza.

Sinabi ng mga opisyal ng Gaza na 44 na Palestinians, halos kalahati ng mga ito ay mga sibilyan at kabilang ang mga bata, ang napatay.

Inilunsad ng Israel ang tinatawag nitong pre-emptive strike noong Biyernes laban sa inaakala nitong isang Islamic Jihad attack na nilalayong ipaghiganti ang pag-aresto sa isang lider ng grupo, si Bassam al-Saadi, sa sinasakop na West Bank.

Bilang tugon, ang Islamic Jihad ay nagpaputok ng daan-daang mga rocket sa Israel. Sa isang balita sa Tehran, sinabi ng pinuno ng grupo na si Ziyad al-Nakhala, na gagawin nila ang lahat “to secure the release [of]” al-Saadi.

Noong Linggo, pinalawak ng Islamic Jihad ang saklaw nito sa pagpapaputok patungo sa Jerusalem sa inilarawan nito bilang paghihiganti sa magdamag na pagpatay sa kumander ng katimugang Gaza nito ng Israel — ang pangalawa sa naturang senior na opisyal na natalo nito sa labanan. RNT