Isyu ng data privacy breach seryosohin – Comelec

Isyu ng data privacy breach seryosohin – Comelec

January 22, 2023 @ 11:15 AM 1 week ago


MANILA, Philippines – Sinabi ng Commission on Elections na hindi sapat ang pagkaka-abswelto ng Komisyon sa isyu ng data privacy breach kaugnay sa 2022 elections.

Sa halip, sinabi ni Comelec Commissioner George Garcia na obligasyon ng Comelec na paigtingin pa nila ang seguridad sa mga datos na binibigay sa kanila ng taumbayan.

Matatandaan na kamakailan ay sinabi ng National Privacy Commission o NPC na walang pagkakasala ang Comelec sa nangyaring data breach noong 2022 elections.

“Siyempre po nakakatuwa naman po ‘yung ganyan na ang Comelec ay sinasabing walang kasalanan sa tinatawag na breach ng data privacy,” ani Garcia.

Gayunman, sinabi pa niya na hindi sapat para maabswelto ang Comelec sa mga umano’y paglabag sa data privacy at iginiit na kailangang panatilihin ng poll body ang tiwala ng publiko pagdating sa pagsiguro ng kanilang personal na impormasyon.

“Subalit hindi po sapat na kami po ay napatunayang walang kasalanan o abswelto sa kaso na ganon. Dapat po obligasyon ng Comelec na patuloy na paigtingin yun pong aming seguridad lalong-lalo na when it comes to data privacy,” saad ni Garcia.

“Tatandaan po ng lahat, pinapanindigan ng Comelec na kinakailangan naming protektahan ang mga datos na inyong binibigay. Pinagkatiwala niyo po sa amin yan hindi pepwede po kaming basta basta na lamang mapunta yan sa kamay ng kung sino sino,” pahayag pa nito.

Ginawa ni Garcia ang pahayag nang bumisita sa ilang probinsya sa Mindanao para sa voter registration para sa darating na Barangay at Sangguniang Kabataang election o BSKE. Jocelyn Tabangcura-Domenden