Isyu ng delay at nawawalang balikbayan box ng OFWs ipabubusisi sa Kamara

Isyu ng delay at nawawalang balikbayan box ng OFWs ipabubusisi sa Kamara

November 9, 2022 @ 3:19 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Nais ni OFW Partylist Rep. Marissa del Mar Magsino na kumilos na ang Kamara at magsagawa ng investigation in aid of legislation kaugnay sa mga balikbayan box ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na delay ang dating at kung minsan ay nawawala pa.

Sa inihaing House Resolution 499, sinabi ni Magsino na nakakaalarma na ang samut sariling reklamo ukol sa balikbayan boxes na pinaghirapan ng mga OFW para maipadala sa kanilang pamilya sa Pilipinas subalit hindi nakararating.

Partikular na nais paimbestigahan ni Magsino ang panlilinlang o modus ng ilang international freight forwarders at kanilang local counterparts sa mga OFWs.

“Tuwing magpapasko ay ganito na lamang ang sumbong ng ating mga OFWs, nakalulungkot na binubutas, nawawala o nananakaw ang kanilang shipment, o kaya’y sobrang delayed ang delivery ng balikbayan boxes,” pahayag nito.

Aniya, bagama’t gumagawa na ng aksyon ang Bureau of Customs (BOC) hinggil sa panloloko ng mga forwarder at nangako mismo ang ahensya na libre nilang ipapadala ang mga natenggang balikbayan boxes sa mga tatanggap nito ay dapat pa rin na tukuyin ang puno’t dulo ng problema upang hindi na maulit lalo na tuwing Kapaskuhan.

“Dapat masagot at matugunan ang mga reklamo at alamin at papanagutin ang responsable rito, pinaghirapan ng mga OFW ang perang ginamit para sa balikbayan boxes kaya sana ay hindi nakakaranas ng ganitong problema,” pagtatapos pa ng mambabatas. Gail Mendoza