ISYU NG KORAPSYON PINUPULITIKA

ISYU NG KORAPSYON PINUPULITIKA

August 24, 2021 @ 11:00 PM 10 months ago


MUKHANG lusot na naman si Secretary Francisco Duque III ng Department of Health sa paggigisa ng Senate Blue Ribbon Committee ukol sa mga alegasyon ng korapsyon sa kanyang tanggapan.

Ika nga, one must be presumed innocent until proven guilty. “I serve at the pleasure of President Duterte,” ani Duque matapos tanggihan ng Pangulo ang kanyang alok na pagbibitiw dahil wala naman daw siyang ginagawang kasalanan.
Ayon aking source sa Malacañang, mabuting sa korte na lamang niya sagutin ang anomang akusasyon ng korapsyon at hindi sa news media o social media.

Si Duque na siya ring pinuno ng presidential Inter-Agency Task Force for the management of emerging infectious diseases ay nasa gitna na naman ng kontrobersya kasunod ng paglabas ng Commission on Audit reports sa gastusin ng DOH noong 2020.

Pinuna ng COA ang ilang “deficiencies” sa paggamit ng P67.3 billion Covid pandemic response fund ng DOH at ilang pang mga iregularidad na ginagawang isyu ng oposisyon at kritiko ng administrasyon.

Nababahiran na nga ng pulitika itong sunud-sunod na COA reports. Pinalalaki masyado kahit na premature ang disclosure ng COA at kailangan lang liwanagin ng DOH”

Ayon sa source, sinasamantala na ng mga pulitiko ang mga alingasngas bunsod ng COA reports.

“Kanya-kanyang pa-epal na sila lalo na ‘yung mga tatakbo sa national level ngunit hindi tama na haluan ng pulitika yang mga usapin sa COA.”

Dismayado ang Pangulo at sinabi nito kay Duque na huwag nang pansinin ang mga paratang. Dapat daw binigyan ng sapat na panahon ang DOH para sa compliance nito bago naglabas ng reports.

‘Di masisisi ang publiko na dismayado rin sa DOH sa harap ng lumalalang Covid-19 crisis partikular na sa Metro Manila at iba pang rehiyon.

Maliwanag na dapat pag-ibayuhin ang government vaccination program para makamtan ang herd immunity.
Samantala, nanindigan si COA chairman Michael Aguinaldo na ang ahensya ay isang independent constitutional commission may mandato ng Saligang-Batas na isapubliko ang government transactions at paggamit ng pondo ng publiko.

Si Aguinaldo ay itinalaga bilang COA chairman ni dating Pangulong Noynoy Aquino noong March 2015.
Nasilip din ng COA ang untapped P11.8B, mahigit P95M na binayad sa “expired and nearly expired” medicines and supplies, at P59.124B underspending sa 2020. Nabulgar din ang tangkang pagbili ng apat na laptop na nagkakahalaga ng P700,000 each para sa ng top DOH officials.

 

Ngayon, sadyang nagpapagamit ba ang COA sa pamumulitika ng mga tatakbo sa 2022?