Isyu ng mental health sa bansa, hindi dapat isawalang bahala

Isyu ng mental health sa bansa, hindi dapat isawalang bahala

June 21, 2018 @ 1:23 PM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Hindi umano dapat isawalang bahala ang isyu ng mental health sa bansa.

Ito ang ikinababahala ngayon ng Simbahang  Katolika kaugnay sa dumaraming bilang ng mga tao sa Pilipinas na dumaranas ng iba’t ibang klase ng isyu pagdating sa mental health.

Ayon kay Catholic Bishops Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Health Care (CBCP-ECHC) Executive Secretary Father Dan Cancino, kailangang  maagapang magamot ang depresyon dahil nagiging dahilan aniya ito ng suicide kung hindi ito mabigyan ng atensiyon.

Hinimok naman ng Simbahan ang mamamayan na nakararanas ng depresyon at iba pang mental health problem na mas maging bukas sa pakikipag-usap sa kanilang pamilya, kaibigan at higit sa lahat manampalataya sa Diyos.

Iginiit ng Pari na sa pamamagitan ng pananampalataya ay nabibigyan agad ang bawat isa ng walang hanggang pag-asa.

Nabatid mula sa datos ng Department of Health na mula taong 2016 ay umaabot na sa 2,413 ang kaso ng suicide sa bansa.

Kaugnay nito, kinatigan ng isang opisyal ng Simbahan ang pag-aaral ng Royal Stoke Hospital Department of Cardiology, in Stoke-on-Trent sa Britain na nakabubuti sa kalusugan ang kasal.

Ayon kay Rev.Father James Andrew Castillo, SOLT, Program Creator ng Radio Veritas Asia, hindi lamang sa aspetong emosyonal nakatutulong ang pagpapakasal, ito rin ay nakakatulong na mapabuti ang pisikal na kalusugan ng isang tao.

Iginiit ni Father Castillo na ang pagiging kasal ng mag-asawa ay nagdudulot ng maayos na kalusugan.

Nakakatulong naman ang tamang pakikitungo ng mag-asawa sa isa’t isa hindi lamang sa emosyonal na aspeto kundi pati na rin sa kabuuan ng kanilang pagkatao.

Nabatid sa isang pag-aaral na ginawa ng Royal Stoke Hospital Department of Cardiology na isang salik ang kasal sa pagpapabuti sa kalusugan ng isang tao.

Sinasabi sa pag-aaral na 42-porsiyento ng mga tao na hindi kasal, diborsiyado at wala nang katuwang na asawa ay mas madaling magkaroon ng mga cardiovascular disease.

Samantala, 16-porsiyento naman na hindi kabilang sa mga buhay may asawa ay kadalasang nagkakaroon ng coronary heart disease.

Ang panganib ng pagkamatay mula sa coronary heart disease para sa mga tao na hindi pa kasal o diborsiyado ay tumaas ng 42-percent.

Ang Risk factors gaya ng katandaan, high blood pressure, diabetes at mataas na cholesterol at maging paninigarilyo ay ang bumubo sa 5-porsiyento na dapat iwasan para hindi na mauwi pa sa cardiovascular disease ang karamdaman. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)