Isyu ng minority, idudulog na sa SC

Isyu ng minority, idudulog na sa SC

August 1, 2018 @ 2:50 PM 5 years ago


Manila, Philippines – Nagkaisa  sina dating House Majority Leader Rodolfo Fariñas at Marikina Rep. Miro Quimbo na pareho nilang idudulog sa Korte Suprema ang legalidad ng pagpili sa Minority Leader sa oras na ipilit pa rin na iupo sa pwesto si Quezon Rep. Danilo Suarez.

Nilinaw nina Fariñas at Quimbo na hindi sila nagsasanib pwersa, si Fariñas ay mula sa Alvarez Bloc habang si Quimbo ay sa Liberal Party, bagkus ay nagkasundo lamang sila na igiit ang itinatakda sa House Rules partikular ang Rule 2 ng Section 8 na ang magiging mayorya ay ang bumoto ng affirmative sa itinalagang House Speaker habang ang Minorya ay magmumula sa hindi bumoto sa nanalong Speaker.

Sa ngayon ay 3 paksyon ang nag aagawan na maging Minority Leader,si Quimbo na sa huling talaan ay may 24 na myembro matapos sumanib sa kanila ang ilang miyembro ng Magnificent 7 at Makabayan Bloc habang 15 naman ang sa kampo ni Fariñas kasama si dating House Speaker Pantaleon Alvarez at si Suarez na may 17 miyembro.

Plano ni Fariñas na iakyat na sa SC ang isyu ngayong Linggo  kung hindi pa rin mareresolba ang agawan ng pwesto sa Minorya.

Kahit pa abutin ng 1 taon bago maresolba ng SC ang isyu ay hindi umano ito panghihinayangan ni Fariñas dahil mahalaga ang magiging desisyon sa isyu nito sa hinahaharap.

“Even if it will take, let’s say, a year, tapos na rin [kami], okay lang yun, so that future Congresses will be guided.”pahayag ni Fariñas. (Gail Mendoza)