Isyu sa One Health Pass, alam ng DOH

Isyu sa One Health Pass, alam ng DOH

September 21, 2022 @ 8:23 AM 1 week ago


MANILA, Philippines – Aminado ang Department of Health o DOH na mayroong “gaps” na kailangang ayusin hinggil sa One Health Pass ng gobyerno, isang online database para sa mga darating na international traveller.

Tiniyak naman ni DOH Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire sa publiko na ang mga kinauukulan ay tinatalakay na ang mga paraan upang mapabuti ang sistema.

“Nakita rin natin na itong One Health Pass ay maraming mga gaps in terms of processing, procedures, tsaka yung masyadong maraming nakalagay at hinihingi sa ating mga kababayan,” sabi ni Vergeire sa press briefing.

Ipinapaalala ni Vergeire sa mga manlalakbay na kinakailangan ito para sa contact tracing bagaman ang pagrehistro sa One Health Pass ay maaaring nakakapagod para sa iba.

Paliwanag ni Vergeire, ang One Health Pass ay kailangan upang magkaroon ng database sa lahat ng pumapasok sa bansa.

Simula Setyembre noong nakaraang taon, lahat ng pumapasok sa bansa ay kailangang gumamit ng One Health Pass.

Batay sa mga alituntunin ng Inter-Agency Task Force, hiniling sa mga manlalakbay na ipakita ang kanilang One Health Pass QR code sa Bureau of Quarantine, na nag-iisa lamang na kinokolekta at pinoproseso ang impormasyon na ibinahagi sa platform.

Nauna nang nagpaalala ang DOH na ang pagpaparehistro sa online platform ay libre, kasunod ng mga ulat ng mga biyahero na nabiktima ng mga pekeng website ng pagpaparehistro na humihingi ng bayad. Jocelyn Tabangcura-Domenden