Isyu sa S. China Sea, uungkatin ni PBBM sa EU-ASEAN Summit

Isyu sa S. China Sea, uungkatin ni PBBM sa EU-ASEAN Summit

December 10, 2022 @ 9:30 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Uungkatin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang isyu ng South China Sea sa European Union-Association of Southeast Asian Nations (EU-ASEAN) Business Summit sa Brussels, Belgium sa susunod na linggo.

Sinabi ni Foreign Affairs Assistant Secretary Daniel Espiritu sa pre-departure press briefing sa Malakanyang na kabilang ang South China Sea sa mahalagang usapin na uungkatin ng Pangulo sa partisipasyon nito sa summit mula Disyembre 12 hanggang 14.

At sa tanong kung hihingi ng suporta si Pangulong Marcos sa EU ukol sa long-standing maritime issue sa China, tinuran ni Espiritu na matagal nang suportado ng EU ang Pilipinas.

Sa katunayan nga aniya ay nagsimula ang suporta nito nang lumabas ang arbitral ruling noong 2016 pabor sa Pilipinas.

“At this point EU has been supporting the Philippines on the South China Sea, including sa (the) arbitral. And this is not only true in terms of the European Union as a whole, but may (there are) individual members who have supported us even sa (in the) arbitral award,”ayon kay Espiritu.

Binigyang diin pa ni Espiritu na ipagpapatuloy ng gobyerno ng Pilipinas ang posisyon nito sa nasabing usapin sa magiging talakayan sa ASEAN at EU.

Hindi aniya kasama sa posibleng hihingin na commitment ng Pilipinas mula sa EU ang patrol support.

Ani Espiritu, sapat na ang suporta na ibinibigay ng EU sa Pilipinas.

“Yung actual patrol siguro–medyo malayo kasi EU e, malayo tayo but enough na yun na ang lakas ng pronouncement nila paulit ulit yung support nila sa Philippines on the issue,” ang wika ni Espiritu.

“I-arrange mo pa yung actual patrol, we are not discounting that but of course malaking undertaking yan kung sakali. Wala naman sa card ‘yan so far,” dagdag na pahayag nito. Kris Jose