IT office lilikhain ng Manila gov’t para sa bilis-impormasyon

IT office lilikhain ng Manila gov’t para sa bilis-impormasyon

August 19, 2022 @ 7:37 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Para mabilis na malaman ng publiko partikular na ng mga Manilenyo ang mahahalagang impormasyon at kaganapan na nagaganap sa lokal na pamahalaang lungsod ng Maynila, hiniling ni Manila Mayor Maria Shiela “Honey” Lacuna-Pangan kay Vice Mayor John Marvin “Yul Servo” Nieto na magpasa ng ordinansang lilikha ng isang Information Technology (IT) Office sa Manila City Council.

Ito ang inihayag ni Vice Mayor Yul Servo nang personal siyang bumisita sa tanggapan ng Manila City Hall Press Club (MCHPC) upang makasalamuha at makausap ang mga miyembro ng media na kumakalap ng balita sa Pamahalaang Lungsod ng Maynila.

PERSONAL na nagtungo sa opisina ng Manila City Hall Press Club si Manila Vice Mayor John Marvin “Yul Servo” Nieto makaraang imbitahan ito at makipagkwentuhan sa mga mamamahayag na nagkokober sa lokal na pamahalaang Lungsod ng Maynila.

Inihayag ng bise alkalde na kung sakali at matagumpay na mabuo ang IT Office, hindi na mahihirapan pa ang mga miyembro ng media na alamin kung ano ang mga ordinansa at resolusyon na naipasa o tinatalakay pa ng Konseho at kung sino ang umakda o nagpanukala nito.

“Ang kaso, nang i-discussed ko ito kay City Budget Officer Atty. Grace Chua, hindi pa talaga puwede, hindi pa kaya para lumikha ng bagong departamento kaya ang naisipan namin, sa aming opisina na lang muha kukuha ng mga tao para maging IT ng City Council,” sabi ni VM Yul Servo.

Sinabi pa ng bise alkalde na masidhi ang kanyang hangaring maipatupad sa City Council ang kanyang mga natutunan sa Kongreso noong siya pa ang kinatawan ng ikatlong Distrito ng Lungsod ng Maynila tulad ng pagbuo ng isang IT office.

“Kapag mayroon nito, pindutin mo lang ang pangalan ng konsehal, lalabas na doon kung ano ang mga nagawa niya sa buong araw ng sesyon at kung ano ang mga ordinansang tinalakay o naipasa,” paliwanag niya.

“Kung napapansin po ninyo yung Congress, maganda yung website nila, yun po ang nais kong i-adopt dito sa atin, Kapag nagawa ko yan, doon na lang kayo titingin at malalaman na ninyo kung ano ang ginagawa ng ating City Council,” dagdag pa ng bise alkalde. JAY Reyes