Itatayong Comelec HQ ‘di luho, kundi pangangailangan-Garcia

Itatayong Comelec HQ ‘di luho, kundi pangangailangan-Garcia

September 6, 2022 @ 10:19 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – “Hindi naman po ito luho itong pagpapagawa ng building. Ito po ay talagang necessity. Kailangang kailangan lang po talaga”.

Ito ang sinabi ni Comelec Chairman George Garcia nang inspeksyunin ang mahigit dalawang hektaryang site kung saan itatayo ang 9 storey building ng Comelec.

“Sa sobrang laki po nito,pati Po warehouse  kakasya. Napaka-strategic po ng lugar na ito…katabi ng airport, malapit na rin po sa pier. Hopefully, doon po sa ipapatayo naming building ay meron na rin po kaming dormitory para po sa aming mga kawani na galing pa sa ibat-ibang probinsya. Natatandaan po natin  ‘pag nagpa-file  tayo ng candidacy ,nangungupahan pa tayo sa PICC. ‘Pag meron kaming random manual audit (RMA) ,nangungupahan kami sa ilang hotel para lang makapag-conduct… Samantalang, base po sa plano, sa gabay ni Comm.Rey Bulay at ng buong  Commission en banc ay may sarili na pong auditorium..Ibig sabihin po, kumpleto na, nandun na po lahat-lahat ‘yung kailangan po namin,” sabi ni Garcia.

Binigyan diin ni Garcia na naiintindihan ng poll body ang sitwasyon ng ekonomiya sa bansa at ang pangangailangan ang iba pang pambansang alalahanin, kabilang ang food security  at ang patuloy na pagpapatupad ng programa may ugnayan sa COVID-19 health protocols.

Dahil dito, nagdesisyon  ang Comelec na pahabain ang konstruksyon ng gusali mula tatlong taon hanggang limang taon.

“This will result to a similar bite per annum on the government’s budget pie”, ayon pa sa Comelec.

Humihiling din ang Comelec sa Kongreso na bigyan ng Multi-Year Constructual Allocation (MYCA) para mapadali ang tuloy-tuloy na bidding ng procurement para sa pagtatayo ng gusali.

Kasama ni Garcia na nag-inspeksyon sa site sina Commissioner Rey Bulay, Commissioner Socorro Inting, incoming Commissioner Nelson Celis, at iba pang opisyal. Jocelyn Tabangcura-Domenden