Itatayong Super Health Center sa Iloilo, sinaksihan ni Bong Go

Itatayong Super Health Center sa Iloilo, sinaksihan ni Bong Go

January 22, 2023 @ 2:47 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Personal na sinaksihan ni Senate committee on health and demography chair, Senator Christopher “Bong” Go ang groundbreaking ng itatayong Super Health Center sa Barangay Bagacay West, Maasin, Iloilo.

Ito ay bilang bahagi ng kanyang pagsisikap na palakasin ang sektor ng pangangalaga sa kalusugan sa bansa.

Sa kanyang talumpati, tiniyak ni Go na patuloy niyang isusulong ang pagtatayo ng mas maraming Super Health Center, lalo na sa malalayong komunidad na hindi madaling ma-access ang serbisyong pangkalusugan.

Binigyang-diin ng senador na ang Super Health Centers ay layong maisaayos ang paghahatid ng publichealth service sa katutubo dahil ang mga ito ay idinisenyo upang ilapit ang gobyerno sa  mga Pilipino.

“Sa paglilibot ko, napansin ko na napakaraming lugar ang kulang sa health facilities. Wala silang sarili nilang hospital. Minsan po nanganganak sa tricycle, sa jeepney papunta do’n sa ospital na dalawang oras na biyahe,” ani Go.

“Kaya naman isinusulong ko ang pagpapatayo ng mga Super Health Centers nationwide, lalo na sa mga rural areas, para hindi na po kailangang lumayo ang ating mga kababayan para sa kanilang basic health service needs. Palagi ko rin pinapaalala kung gaano kahalaga ang kalusugan, kaya ‘wag natin pahirapan ang ating mga kababayan na makakuha ng serbisyong medikal at ilapit natin ito sa kanila,” ayon sa senador.

May 307 SHC ang napondohan noong 2022 sa pamamagitan ng inisyatiba ni Go. Matagumpay din niyang naisulong ang sapat na pondo para sa mas marami pang center ang maitirik sa ilalim ng Health Facilities Enhancement Program ngayong taon ng Department of Health.

Bukod sa Maasin, may mga itinatayo na ring Super Health Centers sa Iloilo City, at sa mga bayan ng Anilao, Carles, Sara, Pavia, Igbaras, at San Joaquin, na ang groundbreaking ay personal na nasaksihan nina Go at Senator Robin Padilla kamakailan.

Sa kanyang pahayag, pinuri ni Go ang lahat ng healthcare workers at frontliners na patuloy na nagbuwis ng kanilang buhay para sa kanilang kapwa Pilipino.

Nu’ng nasabi ring araw, sinaksihan din ni Go ang groundbreaking ng tatlo pang Super Health Center sa Kalibo, Numancia, at Tangalan, na pawang nasa lalawigan ng Aklan.

Personal ding pinangunahan ng senador ang distribution activities para sa mga biktima ng buhawi sa Oton, Iloilo at mga mahihirap na residente sa mga bayan ng Kalibo, Numancia, at Tangalan, Aklan. RNT