ITIGIL NA ANG PAGKAKAHATI-HATI

ITIGIL NA ANG PAGKAKAHATI-HATI

March 4, 2023 @ 7:50 AM 4 weeks ago


ITO lamang ang payak na mungkahi at matinding nais ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa nagdaang ika-37 taong pag-gugunita sa EDSA People Power Revolution.

Sa kabila raw ng ating pagkakahati-hati nang dahil sa politika, “ang kakayahan natin para sa kapayapaan, pagkakaisa at pagkakasundo” ang naging dahilan upang tayo ay dakilain at bigyan ng pandaigdigang papuri bilang mga Filipino.

Ito rin ang naging tampok sa ginawang simpleng selebrasyon noong Sabado (Feb. 25) sa People Power Monument, dahil ang lahat ng dumalo ay alam na alam naman nila, na ang mensahe ng EDSA, 37 taon na ang nagdaan ay pagkakaisa lamang.

Nagkaisa tayong mga Pinoy noong mga panahong iyon upang talikuran na ang pagkakahati-hati. Ngunit kalaunan ay tila nangyari uli. Sa mga nagdaang administrasyon pagkatapos ng EDSA, bumalik ang pagkakahati-hati ng mga Pinoy dahil sa politika.

Naiwan ang taumbayang dapat ay pagsilbihan ng mga itinalagang lingkod-bayan. Maging si Pangulong Bongbong ay naging biktima nito nang ipagkait sa kanila ang manirahan pa sa ating bansa.

Maraming pinagdaanan ang pamilya ng Pangulo mula nang umalis sila sa bansa at ang mga karanasan dahil sa politika ang dahilan upang mas lalo siyang magsikhay na makabalik sa bansa upang makapaglingkod sa mamamayan na naunang pinagsilbihan ng kanilang pamilya.

Makalipas ang ilang taon ay nakabalik ang pamilya sa Pinas. At tatlong dekada ang lumipas, nagbalik-loob si PBBM, upang patunayan ang kanyang talagang magandang layunin o adhikain para sa mamamayan at sa bayan.

Ito ay kanyang napatunayan nang ang milyon-milyong Filipino ay binigyan siya nang pagkakataon na manungkulan bilang Pangulo ng bansa. At ngayon ngang nasa muling paglilikod-bayan, sinisikap ni Presidente Marcos na magka-isang muli ang lahat ng lahing kayumanggi.

Ito rin ay para mapatunayan sa buong mundo na ang mga tulad nating mula sa Perlas ng Silangan ay tunay may pagkakaisa.

Sa pagkakaisa, ang lahat ay bubuti para sa mamamayang Filipino at sa bansang ating minamahal.
oOo oOo oOo

Assalamu Alaikum Warahmatullahi Wabarakatuh!