Itinigil na GSIS contribution ng BuCor employees iniimbestigahan ni Catapang

Itinigil na GSIS contribution ng BuCor employees iniimbestigahan ni Catapang

November 15, 2022 @ 10:20 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Inihayag ni Bureau of Corrections Officer-in-Charge Gregorio Catapang na ang kontribusyon ng GSIS premiums ng mga empleyado ng ahensya ay ipinatigil nitong nakaraang taon, at idinagdag na iimbestigahan nila ito.

“We are also exploring kung paano makabalik sila sa GSIS. Kasi tinanggal sila sa GSIS. And we are now investigating that,” sabi ni Catapang nitong Lunes.

Sinabi pa niya na kasalukuyan silang humahanap ng paraan kung paano maitutuloy ang pagbabayad ng GSIS premiums ng mga empleyado at mapanatili ang kanilang membership sa government insurance system.

Sa 117th BuCor Founding Anniversary nitong Lunes, sinabi ni Catapang na isusulong niya ang kapakanan ng mga empleyado bilang bahagi ng reporma na nais niyang ipatupad sa ahensya.

Target niyang ikasa ang mga pagbabago sa loob ng tatlo hanggang limang taon.

Binabalak din niya na pagbutihin ang morale ng mga empleyado sa pagbubukas ng retirement benefit system at libreng pabahay para sa mga tauhan ng BuCor. RNT/SA