Itlog, manok sirit-presyo

Itlog, manok sirit-presyo

January 4, 2023 @ 9:25 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Sumirit ang mga presyo ng itlog at manok sa ilang mga pamilihan sa gitna ng mas mababang supply at pagtaas ng demand sa holiday season.

Base sa pinakahuling datos mula sa price monitoring ng Department of Agriculture (DA), ang mga poultry products sa Metro Manila ay nasa P180 hanggang P220 kada kilo, mas mataas kaysa year-on-year na presyo nito na P145 hanggang P180 kada kilo.

Ayon sa United Broiler Raisers Association (UBRA), ang pagtaas ng demand para sa ani ay nag-ugat sa mas abot-kayang presyo nito kumpara sa baboy, na nasa P400 na kada kilo, at karne ng baka na kasalukuyang nasa P480 kada kilo.

“Sa tingin namin, itong season lang medyo, dahil kokonti ‘yung nag-alaga ng manok medyo naubos ‘yung mga inaalagaan, hindi ganun karami na ‘yung balanse kaya name-maintain ‘yung mataas na presyo hanggang after new year,” paliwanag ni UBRA chairperson Gregorio San Diego Jr.

Gayundin, sinabi ng Philippine Egg Board Association (PEBA) na bumaba ang produksyon ng egg products dahil sa mas mataas na operating expenses ng mga breeders kasunod ng pagtaas ng presyo ng hatchlings at chicken pellets.

Ang farmgate prices ng medium-sized na itlog ay nasa P6.40 hanggang P7 kada piraso, kaya ang retail price nito sa mga pamilihan ay P8.66 hanggang P9 kada piraso, dagdag ng grupo. RNT