‘Ituloy ang Malasakit Centers, pangangalaga sa kalusugan’ — Bong Go

‘Ituloy ang Malasakit Centers, pangangalaga sa kalusugan’ — Bong Go

May 21, 2022 @ 1:02 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Bilang pagsunod sa kanyang pangako na palakasin ang sistema ng pangangalagang pangkalusugan ng bansa, personal na nagsagawa ng monitoring visit sa Malasakit Center sa Valenzuela Medical Center (VMC) si Senator Christopher “Bong” Go.

Dumalo rin siya sa groundbreaking ng isang apat na palapag na gusali sa ospital.

Makikita sa VMC ang 142nd Malasakit Center sa bansa at ang pangalawa sa lungsod, kasunod ng pagbubukas ng Malasakit Center sa Valenzuela City Emergency Hospital.

Sa kanyang pahayag, kinilala ni Go ang lahat ng medical frontliners sa kanilang sakripisyo at walang kapagurang serbisyo habang patuloy silang nangunguna laban sa pandemya.

Nangako siya na ipagpapatuloy ang pagsusulong ng batas na makatutulong sa pagpapalakas ng kapasidad ng healthcare system sa bansa.

“On behalf of the President, nagpapasalamat po kami sa lahat ng frontliners na nagsakripisyo ngayon.  Maganda na po ang takbo ng ating COVID-19 response (at) dahil po ‘yan sa sakripisyo ng mga frontliners natin,” ani Go.

“Rest assured, (bilang) inyong Committee on Health chairman po, ipaglalaban ko po kayo kahit na anong mangyari… ipaglalaban ko po ang inyong karapatan,” paniniyak ng senador.

Si Go ang nagtaguyod ng Republic Act No. 11712 na nagbibigay ng mandatoryong patuloy na benepisyo at allowance sa mga pampubliko at pribadong healthcare worker (HCW) sa panahon ng pandemya ng COVID-19 at iba pang emergency sa kalusugan.

Sa ilalim ng batas, ang mga healthcare worker ay makatatanggap ng hiwalay na kompensasyon kung sila ay magkakasakit ng COVID-19 habang naka-duty.

Para sa mga may banayad hanggang katamtamang sintomas, tatanggap sila ng PhP 15,000 habang ang mga indibidwal na may malubhang sintomas o nasa ilalim ng kritikal na estado ay tatanggap ng PhP 100,000.

Samantala, para naman sa mga namatayan ng virus, magbibigay ang gobyerno ng PhP 1,000,000 sa mga pamilyang naiwan.

Nasaksihan din ni Go ang paglilipat ng suportang pinansyal na nagkakahalagang PhP50 milyon mula sa Office of the President patungo sa VMC para mas mapabuti pa ang serbisyo ng Malasakit Center nito.

“Ang target po ng Malasakit Center (ay) zero balance po, para wala na pong babayaran ang inyong mga pasyente… kasama dito ang full support ng city government ng Valenzuela.  Target talaga ng Valenzuela government ay zero balance po ang mga pasyente natin,” sabi ni Go.

Kaya naman umapela si Go sa susunod na administrasyon na ipagpatuloy ang pagsuporta sa programa ng Malasakit Centers, kung paanong ang 151 operational centers ay nakatulong nang malaki sa mahigit tatlong milyong Pilipino sa buong bansa.

Si Go ang principal author at sponsor ng Malasakit Centers Act.

“Pakiusap ko lang po sa mga susunod na opisyal, kung sa tingin niyo po ay nakakatulong po ang programa ng Malasakit Center, sana po ay tulungan niyo (at) dagdagan niyo pa.  Dahil ito po ay malaking ginhawa po sa mga kababayan natin,” anang mambabatas. RNT