IWASAN ANG SUNOG

IWASAN ANG SUNOG

March 16, 2023 @ 10:45 AM 1 week ago


MAY kasabihang “mas mainam na manakawan ng sampung beses kaysa naman masunugan ng isang beses.” Siyempre, ayaw nating manakawan lalo na ang masunugan.

Karaniwang sanhi ng sunog ang electrical connections, maling paggamit ng electrical appliances, nakasinding kandila, gasera at sigarilyo.

Sa pagpasok ng ‘Fire Month’ ngayong taon, kabi-kabila ang kuwento ng pagkasunog. Maliban sa kampanya ng Bureau of Fire Protection laban dito, abala naman ang ilang tauhan nito sa pagsagip sa ating mga kababayang nasunugan.

Kailangan pa ring paigtingin at palawakin ng BFP ang mga kampanya at libreng pagbibigay ng impormasyon ukol sa fire prevention, evacuation at firefighting.

Mainam na ring isama sa programa ang pagkakaroon ng modern fire alarms and detection system.

Doblehin ang pagmamatyag lalo na ngayong tag-init. Sundin ang safety instructions sa paggamit ng anomang electrical appliances, pagcha-charge ng cellphones at iba pang gadgets.

Sikaping gumamit lamang ng mga approved at sertipikadong electrical equipment. Patayin ang ginamit na gasera o kandila sa altar pagkatapos magdasal.

Siguruhing nakasara ang balbula ng LPG tank pagkatapos magluto. Mahalagang malaman na orihinal at sertipikado ang mga LPG tank na binibili, may expiration din kasi ang tibay ng bawat cylinder tank. Inspeksiyunin ang kapaligiran ng bahay at ayusin o alisin ang mga bagay na maaaring pagmulan ng sunog.

Sumangguni sa eksperto para sa paglalagay ng sariling fire alarm and detection system at pag-aralan ang paggamit ng portable fire extinguishers. Alamin din ang telephone number ng local fire station o barangay emergency hotline.