J.K. Rowling, binatikos sa gay revelation

J.K. Rowling, binatikos sa gay revelation

March 22, 2019 @ 12:14 PM 3 years ago


London – Hindi nagustuhan ng mga fans ang rebelasyong ginawa ni J.K. Rowling na nagsasabing ang dalawang karakter ng “Harry Potter” ay mayroong gay relationship, inaakusahan siyang nagbago ng istorya ng kaniyang mga libro upang makisabay sa social trends. 

Noong 2007, isiniwalat ni Rowling na si Albus Dumbledore, pinuno ng Hogwarts school sa best-selling books, ay na-inlove kay Gellert Grindelwald, kapwa niya wizard.

Makalipas ang isang dekada, sinabi niya naman na nagkaroon ng “sexual dimension” ang kanilang relasyon. Dito na nagduda ang mga fans sa social media at inakusahan si Rowling na tila gusto lang makakuha ng suporta sa LGBT+ community.

“You had your chance to make Dumbledore/Grindelwald gay when you, you know, wrote the books/made the movies,” ayon sa isang netizen.

Tumanggi naman magbigay ng komento ang agent ni Rowling.

Hindi ito ang unang beses na binatikos si Rowling sa pagsubok niyang baguhin ang ilang detalye sa kaniyang mga libro.

Una nang inakusahan si Rowling na naglagay ng diversity sa series na dinodomina ng white heterosexual characters, gaya na lamang noong isang black actor ang gumanap sa karakter ni Hermione sa play na “Harry Potter and The Cursed Child.”

Gayunpaman, marami rin naman fans ang nagpasalamat sa awtor dahil sa pinakabago niyang paglagay ng diversity sa mundo ng Harry Potter.

“I choose to focus on progress, and I think your characters help us grow and think,” anang isang fan sa Twitter./Remate News Team