Jaclyn, muling na-hack, pahinga muna sa FB!

Jaclyn, muling na-hack, pahinga muna sa FB!

November 30, 2022 @ 8:35 AM 2 months ago


Manila, Philippines – Sumaklolo na si Jaclyn Jose sa National Bureau of Investigation o NBI kasunod ng pagkaka-hack uli ng kanyang Facebook account.

Matatandaang una niya itong isinapubliko nitong November 23.

Ayon sa hacker na nagpapanggap bilang siya, umuutang daw ito ng P20,000 mula sa kaibigan.

Binilinan ni Jaclyn ang kanyang mga kaibigan na huwag pansinin ito dahil hindi siya ‘yon.

Hindi raw siya ang tipong nangungumusta sa kaibigan, at lalong hindi nangungutang.

Nitong November 29, ipinost niya sa kanyang Instagram account na muling na-hack ang kanyang FB account.

Aniya, na-recover na raw niya ito at nagpalit na ng kanyang password pero na-hack pa rin.

Tinawag niyang “bastos” at “walang galang” ang taong nasa likod ng pagha-hack na ‘yon.

Sa ngayon ay pahinga raw muna siya sa social media.

Napilitan na rin siyang idulog ang reklamo sa NBI.

Magiging aktibo lang daw uli si Jaclyn sa social media pag siya mismo ang makahanap sa hacker.

Ibinida ng aktres na meron na raw siyang mga lead sa pagkakakilanlan ng hacker.

Earlier, sinabi ng premyadong aktres na taga-industriya mismo ang naturang hacker.

Mangyaring makipagtulungan ang may ganito ring karanasan sa mga kinauukulan para masawata na ang modus operandi na ito. Ronnie Carrasco III