Jail congestion rate ng BJMP, nasa 370%

Jail congestion rate ng BJMP, nasa 370%

March 17, 2023 @ 4:28 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Iniulat ng Bureau of Jail Management and Penology facilities nitong Biyernes, Marso 17 na nasa 370% ang kanilang jail congestion rate.

“Sa ngayon po, meron po tayong 370% congestion rate sa buong Pilipinas. Ito po ay mababa na. Kung matatandaan po natin, mula 2018 galing po tayo sa 600% congestion rate,” sinabi ni BJMP spokesperson Jail Chief Inspector Jayrex Bustinera sa public briefing.

Noong Hulyo 2022, sinabi ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos Jr. na ang congestion rate sa BJMP ay nasa 387% “as of June 2022.”

Upang matugunan ang problema sa siksikan sa mga piitan, sinabi ni Bustinera na gumagawa na ng mas malaking pasilidad ang BJMP at pinalalawak pa ang decongestion measures sa pamamagitan ng paralegal assistance at good conduct time allowance (GCTA).

Nitong Martes, Marso 14, naglunsad ang BJMP ng programang magdaragdag ng mga silid-aklatan sa piling mga piitan kung saan layunin nito na magkaroon ng reading activities bilang bahagi ng rehabilitation program para sa mga persons deprived of liberty (PDLs).

Ayon kay Bustinera, ang pagbabasa sa mga silid-aklatan ay makadaragdag sa GCTA ng mga preso. RNT/JGC