Jake Zyrus, binuyangyang ang dibdib!

Jake Zyrus, binuyangyang ang dibdib!

February 20, 2022 @ 3:21 PM 4 months ago


Manila, Philippines – Nu’ng March 29, 2017 pa pala nagpatanggal ng boobs si Jake Zyrus para halos makumpleto na ang pagiging lalake ng dating si Charice Pempengco.

Pero nitong February 19, 2022 lang siya nagkalakas ng loob na mag-post sa Instagram n’ya ng litratong wala siyang pang-itaas na damit at kitang-kita ang dibdib n’yang machong-macho na.

Bungad n’ya sa mahabang paliwanag tungkol sa breast removal surgery n’ya at sa pasya n’yang ipakita na ang resulta pagkatapos ng limang taon: “Pinag-isipan kong maigi kung ipo-post ko ba ‘to. Kasi lagi kong iniisip kung ano’ng sasabihin ng ibang tao.”

Patuloy n’ya: “Sa ilang taon na nag-transition ako, masaya ako sa naging takbo ng buhay ko, pero lagi parin akong nai-insecure sa katawan ko. Siguro dahil na rin sa standard ng karamihan.

“Pero ngayon, palalayain ko na lahat ‘yun. Pagtawanan mo o hindi, hindi mo alam ang sakit, iyak at mga dugo na pinagdaanan ko bago ako nagkaroon ng confidence na buong buo ko i-post ito.”

Pagtatapat pa n’ya: “Masaya ako at gusto ko lang ipakita sa inyo na eto ako. Sa wakas, komportable sa nakikita ko. Hindi ako humihingi ng opinyon.”

Concerned siya sa mga kapwa n’ya transgender. Tahasang pahayag pa n’ya: “Para ito sa mga kapwa ko transgender. Kung naghahanap kayo ng sign o confidence para ipakita at maging proud sa kung sino ka, tara sasabayan kita. Para sa ‘yo ‘to.

“Kung hindi ka man handa pa, okay lang din ‘yun. Lahat ‘yan may tamang panahon. Well. This is me guys. Mahal ko kayong lahat,” kabuuan ng pahayag ni Jake.

‘Di na n’ya kailangang aminin pa dahil dama naman ng lahat na nakaapekto sa singing career ni Charice ang pagpapasya nitong mamuhay bilang transgender man. Totoong nabawasan ang mga tagahanga at ang popularidad niya.

Hindi alintana ni Jake ang nangyari dahil mas mahalaga sa kanya ang mamuhay nang malaya at maging totoo sa sarili niya.

Hindi n’ya binanggit kung gaano kagastos at gaano ka-safe ang breast removal surgery at kung ilang surgeon ba sa Pilipinas ang lisensyado para magsagawa ng ganu’ng klaseng operasyon. Sana ay mag-post din siya tungkol sa mga ganitong detalye tungkol sa breast removal surgery.

Sana rin ay bumalik ang mga dating tagahanga ni Charice Pempengco at suportahan ang singing career ni Jake Zurus. Danny Vibas