Japan pwedeng gayahin roadmap sa pagbangon ng ekonomiya – Cayetano

Japan pwedeng gayahin roadmap sa pagbangon ng ekonomiya – Cayetano

September 25, 2022 @ 3:18 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Maaaring gamitin ng Pilipinas bilang “roadmap” ang economic success ng Japan lalo na’t mabilis itong nakabangon mula sa pagkawasak ng World War II at ngayo’y isa na sa pinakamalalakas ng ekonomiya sa mundo.

Ito ang giit ni Senador Alan Peter Cayetano sa isang manifestation sa plenary session ng Commission on Appointments (CA) noong September 21, 2022 kung saan pinag-usapan ang pagtatalaga kay Mylene Garcia-Albano bilang bagong ambassador ng Pilipinas sa Japan.

“Kung gusto nating baguhin ang Pilipinas, the friendship of Japan and the Philippines is very important. The model of Japan na dapang-dapa but within 30 years became one of the strongest economies of the world can be our roadmap,” wika niya.

Binigyang-diin ni Cayetano, na nagsilbi bilang Foreign Affairs Secretary mula 2017 hanggang 2018, ang kahalagahan ng relasyon ng bansa sa Japan dahil sa historical at economic ties ng dalawang bansa.

Sinabi niya mula sa isang “napakapait na nakaraan” noong World War II, ang dalawang bansa ay naging magkaibigan na.

“Over the years, we found a way to love our enemies and Japan also found a way to go beyond reparations through aid, financing, and technology,” wika niya.

Nagbigay pugay din si Cayetano sa yumaong dating Japanese Prime Minister Shinzo Abe at sa kanyang pagsisikap na isaayos ang relasyon ng Pilipinas at United States of America noong nakaraang administrasyon.

“I’d like to again pay tribute to Prime Minister [Shinzo] Abe during the time when the Philippines and the US had a rough relationship under the Duterte administration. The Japanese stepped up and Prime Minister Abe played the role of bridging our relationship with the US,” aniya. Ernie Reyes