Japan sa Pinas: 4 sangkot sa ‘Luffy’ controversy, i-deport

Japan sa Pinas: 4 sangkot sa ‘Luffy’ controversy, i-deport

January 31, 2023 @ 8:30 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Pormal nang hiniling ng Japan sa Philippine government na i-deport ang apat nitong citizens na hinihinalang sangkot sa serye ng pagnanakaw doon habang nakaditine sa Pilipinas.

Sinabi ni Japanese embassy media relations officer Akihiko Hitomi na nagpadala ng request ang post sa Department of Justice nitong Lunes.

Inihayag ni Hitomi na hindi maaaring magbigay ng ibang detalye ang embahada maging mga pangalan ng mga suspek, subalit ang deportation request ay para umano sa apat na indibidwal.

Naiulat ng Japanese media na apat na Japanese individuals na umano’y may pakana ng 14 robberies sa iba’t ibang lugar sa Japan mula sa isang detention facility sa Pilipinas.

Base sa ulat, uutusan ng mga suspek ang kanilang mga kasabwat sa Japan sa pamamagitan ng encrypted messaging app.

Kabilang sa mga krimen na iniimbestigahan ang pagpatay sa 90-anyos na babae sa Tokyo suburb noong Enero 19. Ayon sa ulat, mahigit 30 suspek ang naaresto sa Japan.

Sa press briefing nitong Lunes, sinabi ni Justice Secretary Crispin Remulla sa local at Japanese journalists na makikipagkita siya sa Japanese embassy officials para talakayin ang isyu.

“The requests came way back in 2019. We just took over to expedite,” ani DOJ spokesman Mico Clavano.

Ayon kay Remulla, nakumpiska ang ilang mobile devices at hawak na ng Philippine authorities.

Naaresto ang mga itinuturong mastermind, na kinilala ng Japanese media na sina Imamura Kiyoto at Yuki Watanabe, noong 2019 at 2021. Ayon sa Japanese police, posibleng ginagamit ng dalawa ang alyas “Luffy,” na hango sa Japanese manga “One Piece.”

Sa apat na suspek, si Watanabe lamang ang may pending local case. Sinabi ni Remulla na pwede itong ibasura ng Philippine prosecutors kapag napatunayang walang para ma-deport si Watanabe sa Japan.

Kapag nakumpleto na ang legal processes, ayon kay Remulla, mapauuwi ang apat sa loob ng “10 to 12 days or earlier.”

Walang extradition treaty ang Japan at Pilipinas, subalit pwedeng i-turn over ang mga suspek kapag nakumpleto na ang legal procedures. RNT/SA