Japan tutulong na sa Mindoro oil spill cleanup

Japan tutulong na sa Mindoro oil spill cleanup

March 9, 2023 @ 7:00 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Nangako ang pamahalaan ng Japan na magpapadala ito ng grupo ng disaster relief experts upang umalalay sa Pilipinas sa nagpapatuloy na paglilinis sa malawakang oil spill na naganap matapos lumubog ang isang motor tanker sa Naujan, Oriental Mindoro.

“In coordination with the Philippine government, Japan will send a disaster relief expert team on oil removal and control to support ongoing efforts in response to the oil spill in Oriental Mindoro,” sinabi ni Japanese Ambassador to the Philippines Kazuhiko Koshikawa sa isang Twitter post.

“We are one with you in these trying times,” aniya.

Kabilang sa mga ipapadala ay ang mga miyembro ng Japanese Coast Guard (JCG), ani Koshikawa.

Ayon sa website, nakatugon na ang JCG sa nasa 143 insidente ng oil spill sa Japan noong 2019 lamang kung saan nagbigay ito ng patnubay at gabay sa mga responsableng operator upang kontrolin at linisin ang oil leak.

“On the other hand, for a large oil spill or if the responsible operator fails to deal with it properly, the JCG itself controls it by the National Strike Team, a specialist group in maritime disaster prevention, in cooperation with related organizations,” dagdag pa.

Matatandaan na lumubog ang motor tanker na Princess Empress karga ang nasa 800,000 litro ng industrial fuel oil noong Pebrero 28.

Ayon sa Department of Environment and Natural Resources, nasa mahigit 2,000 ektarya ng coral reefs, bakawan at seagrass ang posibleng naapektuhan na ng oil spill.

Sinabi naman ni Pola Mayor Jennifer Cruz na posibleng abutin ng hanggang anim na buwan o isang taon ang cleanup sa oil spill.

Umaasa naman si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na malinis na ang naturang oil spill sa loob lamang ng ilang buwan. RNT/JGC