Japanese envoy sa kabataang Pinoy: Mag-aral ng Nihongo

Japanese envoy sa kabataang Pinoy: Mag-aral ng Nihongo

February 26, 2023 @ 11:41 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Hinimok ni Ambassador Kazuhiko Koshikawa ng Japan ang mga kabataang Filipino na mag-aral ng Nihongo dahil makapagbibigay ito ng “competitive edge“ sa kanila kung mag-aapply ng scholarship at trabaho sa nasabing bansa.

Kasabay ng Nihongo Fiesta 2023, sinabi ni Koshikawa sa mahigit isang daang Filipino Nihongo learners na may potensyal silang pagdugtungin ang dalawang bansa sa pamamagitan ng pag-aaral ng kanilang wika.

“Being able to communicate in Japanese makes you stand out and gives you a competitive edge when applying for Japanese jobs and scholarships. It can also break cultural barriers and allows you to establish meaningful connections and friendships with Japanese people and fellow Nihongo learners,” aniya.

“I encourage you to continue to study the Japanese language. It may be difficult, but I believe that the rewards make the effort worthwhile,” dagdag pa niya.

Taon-taon, nag-aalok ang Japan ng iba’t ibang scholarship at teaching exchange programs para sa mga Filipino.

Kabilang dito ay ang Japan Exchange and Teaching program na nagbibigay ng trabaho sa mga matagumpay na aplikante bilang isang assistant language teacher o sports exchange advisor sa Japan.

Ang language festival na isinagawa sa isang mall sa Mandaluyong City ay kinatampukan ng Nihongo speech contest ng Filipino students at professionals.

Tampok din sa nasabing programa ang art at cultural activities kabilang ang taiko (Japanese percussion instrument) performance ni Leonard Eto. RNT/JGC