Japanese national, ipina-deport ng BI

Japanese national, ipina-deport ng BI

March 17, 2023 @ 4:02 PM 4 days ago


MANILA, Philippines – Itinapon na pabalik sa kanilang bansa ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Japanese national na wanted ng awtoridad sa Tokyo dahil sa financial fraud.

Ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco, si Risa Yamada, 26, ay pina-deport noong Marso 17 sakay ng Japan Airlines patungo sa Narita.

Nabatid sa BI na si Yamada ay naunang inaresto ng fugitive search unit (FSU) ng ahensya noong Enero 9 sa kahabaan ng Roxas Boulevard sa Pasay City dahil sa pagiging pugante nito sa kanilang gobyerno bunsod ng arrest warrant na inisyu ng Tokyo Summary Court noong Setyembre 15, 2022 hinggil sa kasong pagnanakaw nito.

Base sa ulat, si Yamada ay nakipagsabwatan sa pagnanakaw ng datos mula sa mga ATM cards sa pamamagitan ng pagpapanggap na bank employees at police officers para makapang-biktima.

Bukod dito, si Yamada ay undocumented na matapos na kanselahin ng kanilang gobyerno ang kanyang pasaporte.

Kasama rin ang kanyang pangalan sa blacklist ng BI at nagbabawal sa kanya na muling bumalik sa Pilipinas. JAY Reyes