Jeepney phaseout malabo; upgrade, rehab lang – LTFRB chair

Jeepney phaseout malabo; upgrade, rehab lang – LTFRB chair

March 7, 2023 @ 9:00 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Nilinaw ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Teofilo Guadiz III na wala silang balak na i-phase out ang mga jeep sa bansa bagkus ay gusto nila itong i-upgrade at i-rehabilitate.

“It is not more of a ‘phaseout’ but more of a ‘upgrading’ of the jeepneys,” sinabi ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Teofilo Guadiz III sa isang press conference nitong Lunes.

“Nire-rehabilitate lang namin ang mga jeepney at napakalayo ng posibilidad ng phaseout,” dagdag niya.

Sinabi ni Guadiz na plano ng LTFRB na panatilihin ang hitsura ng mga tradisyunal na jeepney, ngunit sasailalim sa mga pagbabago upang umayon sa Philippine National Standards (PNS).

Aniya, ang panukalang modernong jeepney na dumaan sa PNS ay nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱1.3 milyon, mas mura kaysa sa naka-pegged na ₱2.4 hanggang ₱2.6 milyon noong mga nakaraang taon.

Samantala, bilang tugon sa panawagan ng iba’t ibang transport groups, nauna nang inilipat ng LTFRB ang deadline para sa consolidated jeepney franchise mula Hunyo 30, 2023, hanggang Disyembre 31, 2023.

“‘Yung ibang deadlines din para sa completion ng modernization ay i-uurong din namin lahat. Effectively, mga 2024 bago makumpleto ‘yung first phase ng program na ito,” dagdag pa ni Guadiz.

Ngunit sa kabila ng pagpapalawig ng deadline, nanatiling matatag ang LTFRB na itutuloy ang PUV modernization program. RNT