Job fair sa hospitality industry ikakasa ng DOLE, DOT

Job fair sa hospitality industry ikakasa ng DOLE, DOT

August 18, 2022 @ 9:52 AM 2 months ago


MANILA, Philippines — Inanunsyo ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang kanilang pakikipagtulungan sa Department of Tourism (DOT) ang pagkasa ng job fair sa ilang lugar sa buong bansa.

Ito ay para palakasin ang trabaho ng hospitality industry na umuusbong muli matapos ang lockdown na ikinasa bunsod ng COVID-19 pandemic.

Sinabi ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma sa isang pahayag, ang job fairs na tinawag na “Trabaho Turismo Asenso” ay ilulunsad sa Setyembre 22 hanggang 24 at gaganapin sa iba’t ibang bahagi ng bansa sa pakikipag-ugnayan sa mga regional offices ng DOLE at DOT, gayundin ang mga local government units.

“It will be a series of job fairs to be held in various cities and provinces with initial focus in Metro Manila, Cebu and Davao,” anang Labor chief.

Paliwanag ni Laguesma, sinimulan ng DOLE at DOT ang pagtutulungan matapos makita ng huli na ahensya na maraming hotel establishments ang kasalukuyang kulang sa manpower.

“What we’re about to undertake aims to support the government’s economic recovery program by providing a platform for job seekers for job opportunities in various tourism sectors and allied services,” dagdag pa ni Laguesma.

Sinabi ni Laguesma na nagsimula na ang DOLE sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Hotel Owners Association (PHOA) para sa mga partikular na uri ng trabahong kailangan at ang bilang ng mga bakanteng trabaho sa sektor.

Isang MOU din ang gagawin para gawing pormal ang partnership ng dalawang ahensya sa programa. RNT