Job initiatives ni PBBM nagresulta sa 95.8% employment rate

Job initiatives ni PBBM nagresulta sa 95.8% employment rate

January 6, 2023 @ 5:59 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Nagpabuti sa employment rate ng bansa ang mga hakbang ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ito ang sinabi ng Malacañang nitong Biyernes, Enero 6 kung saan ang employment rate noong Nobyembre ay bumuti sa 95.8% o 49.71 milyon na mga Filipino na may trabaho.

Dagdag pa, bumuti rin ang unemployment rate ng bansa sa 4.2% mula sa 4.5% noong Oktubre at 6.5% noong Nobyembre.

Kasabay nito, tumaas din ang labor force participation rate (LFPR) sa bansa sa 67.5% noong Nobyembre 2022, pinakamataas na LFPR mula Abril 2005.

Nangangahulugan ito na nasa 51.8 milyon na Filipino 15 taong gulang pataas ang employed o unemployed.

Sa naturang survey, lumabas na patuloy na namamayagpag ang service sector sa employment market, sinundan ng agrikultura at industry sectors.

Sinabi ni Presidential Communications Office officer-in-charge Undersecretary Cheloy Garafil na pinagtibay at ipinatupad ng Department of Labor and Employment (DOLE) modern at responsive technical and vocational education and training (TVET) at apprenticeship katuwang ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) upang mapataas pa ang employability ng mga manggagawang Pinoy.

Ibinahagi rin niya na ipinag-utos ni Marcos ang reattachment ng TESDA sa DOLE noong Setyembre na nagresulta sa mas matibay at mas maayos na program coordination na bahagi ng pagpapaunlad sa TVET system.

“The employability of the Filipino worker is vital to building a strong labor force. Maintaining a high degree of employability requires the continuous upgrading of skills and knowledge,” ayon sa ulat ng administrasyon. RNT/JGC