John Lloyd, inokray sa emote sa Afghanistan!

John Lloyd, inokray sa emote sa Afghanistan!

August 23, 2021 @ 11:37 AM 10 months ago


Manila, Philippines – Hanggang ngayon, usap-usapan pa rin ang ipinost ni John Lloyd Cruz sa kanyang Instagram account tungkol sa kanyang  makahulugang mensahe sa nagaganap na kaguluhan sa Afghanistan.

May mga nagsasabing pa-deep ang actor sa kanyang post na ang ibig sabihin lamang ay nakikiramay lang siya sa nangyayaring kaguluhan sa nasabing war-torn country na sinakop ng mga Taliban.

Sey naman ng ilang bitchy netizens, sana raw ay mag-fund raising na lang ang actor para sa displaced families sa naturang Islamic country kesa daanin pa nito sa mahabang diskurso ang kanyang hanash tungkol sa nagaganap na giyera sa Kabul.

Ito ang kabuuan ng teksto ng kanyang emote sa kanyang Instagram account.

“Wala na sigurong mas nakakagimbal pa kesa sa mapagitna ka sa isang tunay at aktwal na giyera. Madatnan ang sariling humahangos sa pagtakbo, pag-ilag at paghanap ng tataguan para maisalba ang buhay na nais mo lamang naman ituloy.

“Napanood ko na ‘to sa sine. Ilang beses na. Kahangahanga ang mga naging kwento at mga pagganap. Ilang sine na nga ba ang nagawa patungkol sa mga giyera na may nakasentrong kwento sa pananakop at ayaw magpasakop. Mga sine at kwento na umani pa ng mga prestihiyosong parangal at tagumpay at humakot din ng limpak-limpak na salapi mula sa takilya.
“Mga pangyayari at kaganapang madalas ay ipinagdidiwang pa sa industriya ng sining, pulitika at ilang mga bansa. Isang paksang pinakakikinabangan ng sanga-sangang kabuuan ng hindi mabilang na tao. Isang minahan ang giyera. Isang bundok ng katanungan.

“Sino ang nagsimula. Sino ba ang kalaban. Sino ang panalo. Sino ang huling hahalakhak sa dulo. Sino ang kumita. Gabundok man ang makuhang sagot, sa dulo ang tanong ko’y may kapararakan ba?

“Malayo man tayo sa totoong peligro ng giyera hindi ibig sabihin hindi tayo maaapektuhan nito. Malayo man tayo sa banta ng mga mapandagit na kanyon at bala hindi ibig sabihin ligtas na tayo sa tumatagos na pangongonsensya ng mismong paksa na ating napanood, napagkwentuhan at unti-unting nilubayan. O mas malala, pinili nalang hayaan at tanggaping ‘sadyang ganyan.’

“Hindi ko batid na dumampot ka ng armas at sumugod. Hindi ko rin sinasabing ngumawa ka at magluksa. Marahil may nais lang masambit, na ang pag-iwas na maapektuhan at ang pagdedesisyong gawin o piliing normal sa kamalayan ang mga nagaganap na kahangalan sa mga dako ng mundo na pinaglalaruan ng mga Diyos at nagdidiyos-diyosan ang tunay na nagagapi sa kahit na sinong nagkapakialam o minsan ay naapektuhan ng kahit anong giyerang nagdaan.

“Maging at lalo na ng matalinghagang giyera na hindi nakikita ng mga mata.
Kawalan ng giyera ba ang kasingkahulugan ng kapayapaan? Kawalan ng kamalayan na nagpapanggap na kapayapaan ang giyerang paulit-ulit nating tatalikuran. Karuruwagan. Dahil marahil, rurok ng tagumpay sa buhay ang kaginhawahan.

“Sa mga kabataan at mga matatanda, lalo na silang mga musmos at walang muwang, sa mga ama at ina, sa mga sundalo at sibilyan, sa lahat ng tao na naiipit sa gitna ng peligro ngayon sa Afghanistan, batid ko ang inyong kaligtasan. Maging matatag kayo at matapang.
“Nawa’y sa pagtitig ko ngayong gabi sa nahahating liwanag ng buwan ay tumalbog papunta sa inyo mula rito sa kabilang dako ng iisa nating mundo ang dalamhati ko’t pakikiramay sa sinasapit ninyo. Maging matatag sana kayo at alalahaning walang anghel para sa mga hindi naniniwala.” Archhie Liao