JOHN ROBERT CALARA ISA SA BAGONG BIDA SA BL SERIES NA HE’S MINE

JOHN ROBERT CALARA ISA SA BAGONG BIDA SA BL SERIES NA HE’S MINE

January 4, 2022 @ 7:09 PM 7 months ago


ISA sa sumisikat ng pangalan sa Boys Love (BL) Series ng RAP Production itong mabait at good-looking na si John Robert Bie Calara na isinilang noong Enero 8, 2001 ng kanyang Ina na si Gng. Rowena B. Calara at ng kanyang Ama na si G. Efren Calara. Siya ay pangalawa sa tatlong magkakapatid at ang panganay ay si Rubylyn at ang bunso ay si Jim Maverick.

Nag-aral si John Robert ng elementarya sa Batasan, Macabebe, Pampanga;  sekondarya sa Macabebe High School; senior high naman sa San Vicente – San Francisco Macabebe High School at ngayon ay kasalukuyang nasa college sa La Consolacion University Philippines sa ilalim ng kursong Bachelor in Science Hospitality Management.

Aktibo rin si John Robert sa pagsali sa mga organisasyon at aktibidades kagaya ng Knights of the Blessed Sacrament, Volleyball Team, at Street Dance.

Bagaman at lumabas na siya sa ilang mga naunang BL Series ng RAP Production ay sadyang maituturing niyang achievements ang mga ito lalo na ngayong gumanap siya bilang isa sa mga lead actor ng pinakabagong BL Series na He’s Mine ng RAP Production.

Nagsimula ang kanyang acting career ng nakaraang taong 2020 sa pinakaunang BL Series ng RAP Production na “One Day Pag-Ibig” at nasundan sa “Paano Kaya Kung Tayo” at ngayon nga ang “He’s Mine.”

Ilan pa sa plano at pangarap ni John Robert ay ang makapagtapos ng kanyang pag-aaral, magkaroon ng sariling business, maging ganap na sikat na artista at makaipon para sa kanyang pamilya at sa kanyang kinabukasan.

“Ano ang mensahe mo sa iyong mga tagahanga Paps John Robert?,”  ang tanong ko sa kanya.

“Maraming salamat sa walang sawang pag suporta sa amin, at sa walang sawang panood ng BL series na aming nagagawa. Sana na inspire namin kayo, napasaya, napa-ibig at may natutunan kayo. Maraming salamat at sana huwag ninyo kaming iwan hanggang dulo, hope to see you all soon. God bless and keep safe,”  ang sagot niya sa tanong ko.

“Maraming salamat Paps John Robert sa saglit na panayam para makagawa ng artikulo para sa mga tagahanga mo. Sa kabaitan mong taglay at husay mo sa pag-ganap ay naniniwala akong malayo pa ang iyong mararating. Ipagpatuloy mo lamang ang pag-abot sa iyong mga pangarap at lakipan mo lagi ng pagtawag sa Panginoong Diyos,”  ang wika ko naman sa kanya.

Muli namang sumagot ang mabait na BL Series Actor sa akin,  “Paps Rex maraming salamat sa paniniwala sa akin na kaya ko, even most of the time parang nagdadalawang isip na ako sa sarili ko, nandiyan ka para ipaalala sa akin na ituloy ko lang ito at huwag akong susuko, maraming salamat sa’yo dahil ikaw ang patunay na meron pa ding naniniwala sa akin. Sana mag stay ka lang diyan, thank you Paps Rex God bless,”  ang kanyang tugon sa aking mensahe sa kanya.

Sa taglay na talento sa pag-arte at pagiging humble o low profile nitong si John Robert Bie Calara ay natitiyak kong malayo ang mararating nito sa daigdig ng indie film/series. GOD bless you more Paps John Robert Calara.