Joint probe ng PNP, NBI sa pagkamatay ng ‘middleman’ sa Percy Lapid slay umarangkada – DOJ

Joint probe ng PNP, NBI sa pagkamatay ng ‘middleman’ sa Percy Lapid slay umarangkada – DOJ

October 27, 2022 @ 6:48 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Sinimulan na ng National Bureau of Investigation at ng Philippine National Police ang joint investigation sa pagkamatay ni Jun Villamor, itinuturong middleman sa pagpatay sa broadcaster na si Percy Lapid, ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla nitong Huwebes.

“Well, probably by Monday everything will be very clear. Kanina nag joint investigation na ang NBI atsaka ang pulis on the Jun Villamor y Globa death. So it’s being investigated,” sabi ni Remulla sa ambush interview.

Nauna nang sinabi ni remulla na iniimbestigahan ng DOJ ang posibilidad na si Villamor, preso sa New Bilibid Prison, ay pinaslang.

“Kaysa ipasa-pasa mo, patakbuhin mo pa ‘yung mga tao, maghahabol sila, pareho naman nakikipag usap sa atin, isabay na natin sila,” ani Remulla.

“And ano ‘yan this morning session was based on the dying declaration. It was basically prompted by a dying declaration that was in the form of the text to the sister of Jun Villamor,” dagdag niya.

Base saJustice secretary, “too much of a coincidence” na naghayag si Villamor ng “dying declaration” at sinabing papatayin siya bago pumanaw.

Sinabi rin ni Remulla na apat na persons of interest sa kaso ang nagbigay na ng salaysay.

Batay sa initial findings ng National Bureau of Investigation, si Villamor ay nagkaroon ng hemorrhage sa puso. Nakasaad din sa report na walang senyales ng “external physical injury.”

Samantala, sinabi naman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na hindi siya kumbinsidong “natural causes” ang ikinasawi ni Villamor.

Pinatay sa pamamaril si Lapid sa Las Piñas City noong Oktubre 3. Siya ang host ng online broadcast program na “Percy Lapid Fire” sa DWBL 1242 at kolumnista para sa Hataw. RNT/SA