Joint venture ng ABS-CBN, TV 5 imbestigahan-Marcoleta

Joint venture ng ABS-CBN, TV 5 imbestigahan-Marcoleta

August 11, 2022 @ 7:40 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Pinaiimbestigahan ni SAGIP Party List Representative Rodante Marcoleta sa Philippine Competition Commission (PCC) at National Telecommunications Commission (NTC) ang napipintong  joint venture sa pagitan ng mga media firm na ABS-CBN Corp. at TV5.

Sa panayam ng state-run Radyo Pilipinas, sinabi ni Marcoleta na dapat tingnan ang joint venture transaction sa pagitan ng dalawang media giants sa posibleng paglabag sa anti-trust law.

“Ang nakikita ko parang (circumvention) ng batas yung gagawin nila na madaliang joint venture between ABS-CBN and TV5,” suspetya ni Marcoleta

Giit niya na dapat panghimasukan at repasuhin ng PCC ang nasabing  joint venture para maiwasan ang monopolyo ng market power na magreresulta sa pagbaba ng kompetisyon at sa huli pa ay makasasama sa mga mamimili.

“TV 5 malaki yan, pagkatapos ng ABS-CBN, mamo-monopolize ang industry dito. Wala bang say dito ang Philippine Competition Commission? Hindi naman ganun, kaya nga naglatag tayo ng ganitong agency para tingnan ang lahat ng kapakanan ng mga apektadong sektor. Magiging monopoly ito kung tutuusin mo diba?,” ani Marcoleta.

Noong nakaraang linggo, ibinunyag ng negosyanteng si Manuel V. Pangilinan (MVP) na nasa “closing stages” na ang status ng joint venture sa pagitan ng ABS-CBN at TV5.

Sinabi ni Pangilinan na ang TV5 ay magkakaroon ng 65 percent, habang ang natitirang 35 percent ay mapupunta sa ABS-CBN.

Sa parehong panayam, hinimok din ni Marcoleta ang NTC na imbestigahan ang mga posibleng paglabag ng ABS-CBN tungkol sa prangkisa nito at magpataw ng magkakasunod na administratibong multa bilang resulta ng naturang mga paglabag, at idinagdag na maaaring maglunsad ang ahensya ng motu proprio probe.

“Sa totoo nyan mayroon akong resolution na di palang nabibigyan ng panahon, kwinenta ko nga yung value ng administrative fine na sa akin talaga ay dapat malaman na singilin. Yun na nga base na rin sa mga napatunayang paglabag. Sana ang NTC ay ‘wag naman magpakatahimik sa isyu na ito,” aniya pa.

Kung maaalala, hindi na-renew ng Kongreso ang prangkisa ng kongreso ng ABS-CBN bago ang petsa ng pag-expire nito noong Mayo 4, 2020.

Ang ABS-CBN, sa direktiba ng shutdown order ng NTC, ay tumigil sa broadcast operations nito noong Mayo 5, 2020. RNT