Joma, naka-shabu o naka-tsongke?

Joma, naka-shabu o naka-tsongke?

July 11, 2018 @ 6:22 AM 5 years ago


 

Ulyanin o talamak na sinungaling ‘yang si communist party leader Jose Ma. Sison.

Alam ba niya na wala nang naniniwala sa kanya kundi mga alipores ni­yang kapwa inutil?

Kundi ba naman kabulastugan ang tinuran nitong si Pangulong Duterte at ang anak niyang si Paolo ay mga “protektor” ng mga sindikato sa iligal na droga.

‘Di ba’t ‘yang war versus illegal drugs na patuloy ipinatutupad ni Ma­nong Digong ang pangu­nahing pinapalagan ng kanyang mga kritiko?

Libo-libong drug dea­ler na ang napapatay ka­ugnay ng kampanya ng PNP at PDEA.

Kabilang na ang ilang alkalde na tukoy na narco-politician ang “nanahimik na.”

Bilyon-bilyong piso na halaga ng shabu at iba pang droga ang nasasamsam na ng mga awtoridad sa walang patumanggang police raids.

Ilang ulit na ring iniha­yag ng Pangulo ang narcolists na kinabibilangan ng mga politiko, pulis, ba­rangay captain at maging mga huwes na sangkot sa sindikato sa droga.

Kaya paanong masa­sabi ni Joma na protektor ng drug dea­lers si Ma­nong Digong pati na ang anak niyang si Paolo?

Sira na nga yata ang ulo o “sabog” ‘yang lider ng mga komunista na na­nga­ngarap magpabagsak sa gobyerno.

Kamakailan ay nagbanta pa siyang mapa­patalsik ng CPP-NPA si Manong Digong bago ang taong 2022.

Ano ba ang sinisinghot niyang si Joma at muk­hang “high” at kung ano-anong sinasabi nya?

‘Di kaya naka-shabu o naka-tsongke lang ‘yang si Joma?

FIRING LINE NI ROQUE

IPIT SA SITWASYON

BATID ng lahat na halos nakabaon pa rin ang pwersa ng buong Philippine National Police sa kontrobersya at kahihiyan bunga ng kapalpakan na nagawa ng ilang bugok nilang kabaro.

Halos araw-araw ay may nauulat na pulis o kanilang opis­yal na sangkot sa krimen tulad ng pagkakadawit sa iligal na droga, pangongotong, panggagahasa o paggawa ng kalaswaan at iba pa. Hindi na rin mabilang ang mga pagkakataon na nakapatay ang pulis sa katwirang nanlaban ang kanyang hinuhuli o kaya ay nang-agaw umano ng baril.

Alalahanin na tungkulin ng pulis na magpatupad ng batas at manghuli ng suspek na naaktuhan niya sa paggawa ng krimen. Pero ang uniporme niya at tsapa ay hindi nagbibigay ng lisensya para kumitil ng buhay lalo na ng mga inosente.

Maaalalang isa sa mga pangako na binitiwan ni President Duterte habang nangangampanya ay wawakasan niya ang iligal na droga sa loob daw ng tatlo hanggang anim na buwan.

Pero dalawang taon na siya sa pwesto at libo-libong suspek na ang namatay pero nariyan pa rin ang ipinagbabawal na gamot.

Nangako rin siya na tatapusin ang iligal na sugal pero alam nating lahat na hanggang ngayon ay namamayagpag ang jue­teng sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Nagmungkahi ang Pangulo kamakailan sa kapulisan na luwagan ang kampanya laban sa jueteng. Kapag may jueteng ay umiikot daw ang pera kahit na paano.

Nag-aalala raw ang Pa­ngulo na kapag nawala ang jueteng ay lalo pang lalala ang problema sa bentahan ng iligal na droga na gamit ang jueteng operators.

Pumasok si Senator Panfilo “Ping” Lacson sa eksena at nagbabala sa kapulisan laban sa pagsunod sa nasabing mungkahi.

Ang pagsunod kahit na nagmula ito sa Pangulo o ibang superiors ay hindi raw magsisilbing sapat na ligal na depensa sa korte.

Kung tutuusin ay hindi dapat balewalain ng kapulisan ang babala ni Lacson dahil may sapat na kaalaman ito sa kanyang sinasabi. Huwag kalilimutan na dati itong nagsilbi bilang hepe ng buong PNP.

Tandaan na ang kapulisan ay may tungkulin na dapat gampanan at ipatupad. Kapag nakakita sila ng gumagawa ng krimen kaugnay man ito ng iligal na droga, iligal na sugal, pagnanakaw, pamamaslang o anomang labag sa batas ay dapat nilang hulihin ito at ikalaboso.

Pero ang tanong ay paano kaya nila babalewalain ang mung­kahi ng Pangulo na kanilang Commander in Chief kung pwedeng mangahulugan ito ng pag­kakasibak nila sa pwesto?

-DALA KO EGCO